“SI Pagdilao ang senador ko!” Ito ang direktang pahayag ni Davao City Mayor Rodrigo “Digong” Duterte.
Anang alkalde, gusto niya si Anti-Crime and Terrorism through Community Involvement and Support (ACT-CIS) Party-list Rep. Samuel “Sir Tsip” Pagdilao na maging isa sa senador sa 2016.
Sa kanyang programa sa radio sa Davao, inendorso ni Duterte si Sir Tsip Pagdilao.
Tinawag ni Duterte na “the future senator” si Pagdilao, kasabay ng papuri sa dating PNP official.
Sabi ni Duterte, ang gaya ni Pagdilao ang dapat pagkatiwalaan, dahil noong pulis pa si Pagdilao ay hindi siya nasangkot sa anomang anomalya.
Alam daw ni Duterte iyon dahil bilang isang opisyal ng gobyerno, nalalaman niya ang mga nangyayari sa hanay ng pulisya. Kaya batid niyang malinis ang pangalan ni Pagdilao sa PNP.
Hindi na kagulat-gulat kung inendorso ni Mayor Duterte si Sir Tsip. Pareho kasi silang maituturing na ehemplo ng mabuti at malinis na pamamahala at paglilingkod sa bayan.
Sa loob ng 37 taon pagsisilbi sa bayan si Pagdilao, hanggang maging direktor ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), at isa rin sa nagtatag ng Special Action Force (PNP SAF), hindi inatrasan ni Sir Tsip ang mga kasamahan sa serbisyo na nasangkot sa anomalyang transaksyon at scam sa serbisyo.
Isang de-kalibreng abogado si Sir Tsip, at marami nang natanggap na parangal mula sa gobyerno at sa pribadong sektor.
Noong 2012, ginawaran siya bilang isa sa Ten Outstanding Filipino (TOFIL); naging isa rin sa Ten Outstanding Policemen of the Philippines (TOPP). Bukod pa sa 95 awards at commendations na natanggap niya sa serbisyo.
Sumailalim siya sa training mula sa British Royal Marines Commando sa England.
Mapagkawanggawa rin si Sir Tsip. Itinatag niya ang Country’s Outstanding Policemen in Service (COPS) Awards, noong siya ang Pangulo ng Rotary Club New Manila East, katuwang ang Metrobank Foundation.
Kinikilala at pinaparangalan ng COPS ang mahuhusay na pulis na sinsero sa serbisyo.
Naging Immediate Past District Governor din siya ng Rotary International District 3780, na pinamunuan niya ang pagsasakatuparan ng mga programang naging kapaki-pakinabang sa mga nangangailangang komunidad.
Ayon kay Pagdilao, kung bibigyan siya ng pagkakataon para isulong ang pagtakbo sa Senado, panghahawakan niya ang pagpapanitili ng peace and order, kontra-kriminalidad, at ang pagsugpo sa katiwalian – ito ay kabilang sa kanyang plataporma.
At siyempre, pinuri rin ni Pagdilao ang mahusay na pamamalakad ni Mayor Digong sa Davao City, na kilala sa larangan ng kapayapaan at kaayusan.
Dagdag ni Pagdilao, magsilbi sana itong halimbawa para sa mga lider pati na rin sa mga nangangalaga at nagpapatupad ng batas, katulad ng mga pulis.
Kapansin-pansin na malapit kay Pagdilao ang peace and order, hindi lamang bunsod ng pagka-pulis, dahil para sa kanya, mahalaga ito hindi lamang para sa katahimikan ng komunidad, kundi maging sa ikauunlad ng ibang aspeto, tulad ng negosyo at ng ekonomiya.
AKSYON AGAD – Almar Danguilan