MARIING pinabulaanan ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares ang kumalat na isyu sa social media hinggil sa sinasabing pagpataw ng buwis ng Kawanihan ng Rentas Internas sa dollar remittances ng overseas Filipino workers (OFWs).
Nilinaw ni Henares na hindi ito totoo. Aniya, sa simula pa lamang, ang BIR ay hindi tagapataw ng buwis, kundi taga-implementa lang sila at kung walang batas, walang dahilan na gagawin nila ito.
Inamin ni Henares na hindi siya gumagamit ng social media.
Napag-alaman, umani ng negatibong reaksiyon mula sa OFWs lalong-lalo na sa Amerika, ang sinasabing 35 percent “gift tax” sa dollar remittances ng OFWs.
Ang naturang isyu ay kasunod din ng pag-alma ng OFW sa plano sana ng Bureau of Customs (BoC) na isailalim sa physical inspections ang lahat na ipinadadala sa Filipinas na balikbayan boxes.
Ang naturang patakaran ay hindi ipinatuloy ng Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.