NAGING isang malaking hit ang pelikula nina Richard Gomez at Dawn Zulueta. Ngayon palabas na ang kanilang pelikula sa mahigit na 200 sinehan. Nagsimula sila ng mahigit na 100 sinehan lamang. Ibig sabihin, talagang kumikita pa rin ang mga love story at nariyan pa rin talaga ang hilig ng mga Filipino sa mga love team. Kaya nga lang, kailangan iyong love team talaga gusto nila dahil kung hindi, hindi rin sila manonood.
Iyang nangyaring iyan ay katunayan na gusto pa rin ng mga tao ang mga beteranong artista. Hindi rin totoo na ang pinanonood lamang nila sa panahong ito ay iyong Kathniel o iyongAldub. Hindi puro mga bata lang. In fact, ang daming mga batang artista na hindi naman kumikita ang pelikula. Pero tingnan ninyo iyan, iyong isang love team na nagsimula noong 90’s, hanggang ngayon gumagawa pa rin ng hit.
May mga artistang kayang lampasan ang kanilang edad. Ibig naming sabihin kahit na may edad na sila ay napanatili nila ang paghanga ng kanilang fans at hinahangaan maski ng mga bagong fans. Isang magandang halimbawa si Vilma Santos. Isipin ninyo, ang kasagsagan ng career ni Ate Vi noon pang late 60s at early 70s, pero hanggang sa ngayon may fans pa siya. Hanggang sa ngayon hit pa rin ang mga pelikula niya. Iyong mga pelikula niya siguradong maipalalabas sa mga sinehan, in fact pinag-aagawan pa nga ng mga sinehan. Sinasabi ngang siya lamang ang nakagawa ng isang hit indie. Kasi karaniwan naman iyang mga indie sa festivals lang inilalabas tapos diretso na sa TV.
Kaya nga tingnan ninyo, kahit na halos pilitin na si Ate Vi na kumandidatong vice president sinasabi niyang gusto niya ngayong balikan ang showbusiness. Kung kagaya ba iyan ng iba na ang mga pelikula ay tinatanggihan na ng mga sinehan, palagay ninyo babalik pa iyan sa showbusiness? Kaya niya gustong bumalik ay dahil alam niyang naghihintay pa rin sa kanya ang isang career.
Iyang mga iyan ang katunayan, talagang gusto pa rin ng mga tao ang mga beteranong stars. Kung may mga beteranong stars na hindi kumikita, iyon ay talagang dahil laos na sila.
HATAWAN – Ed de Leon