INAMIN ni US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton ang pagsakal niya at pagkakapatay sa Filipino transgender na si Jeffrey Laude alyas Jennifer noong Oktubre 11, 2014.
Sa kanyang pagharap sa Olongapo City Regional Trial Court (RTC) kahapon, isinalaysay ng US serviceman ang mga pangyayari bago niya napatay si Laude.
Sa kuwento ni Pemberton, nagtungo siya sa mall at saka nag-bar hopping.
Makaraan ito ay bumalik siya sa mall, nagtungo sa Ambyanz Resto Bar at dito niya nakilala ang inakalang dalawang tunay na babae ngunit kalaunan ay natuklasang transgender.
Dagdag ni Pemberton, kusang sumama sa kanya sa Cellzone Lodge ang dalawa ngunit bago umalis ang isa sa dalawang transgender ay nagkaroon sila ng oral sex.
Nag-oral sex din aniya sa kanya si Laude at kalaunan ay natuklasan niyang hindi pala tunay na babae ang biktima.
Aniya, nagalit siya kaya naitulak niya ang biktima.
Ngunit sinampal daw siya ni Laude kaya sinakal niya.
Kalaunan ay hindi na aniya gumagalaw ang biktima kaya dinala niya sa CR para buhusan ng tubig.
Ngunit dahil walang tubig ay iniwanan na lamang niya ang biktima.
Makalipas ang ilang minuto, si Laude ay nakita ng tauhan ng lodge na nakasubsob sa toilet bowl ng CR at wala nang buhay.