VIGAN CITY – Walang koryente ang halos buong probinsya ng Ilocos Sur at Ilocos Norte makaraan ang pananalasa ng bagyong Ineng.
Ayon kay Lilibeth P. Gaydowen, spokesperson ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP)- Northern Philippines, natumba ang kanilang tower sa Nagtupacan, bayan ng Sta. Maria.
Sinabi ni Gaydowen, nahihirapan ang kanilang linemen na pasukin ang lugar dahil sa pitong talampakang lalim ng tubig-baha.
Dahil dito apektado ang mga bayan ng Sta. Maria, Narvacan, Burgos, Nagbukkel, Santa, San Emilio, Lidlidda, at ang 11 bayan sa unang distrito ng probinsiya.
Kasama rin sa walang suplay ng koryente ang lalawigan ng Ilocos Norte.
Sinasabing posibleng matatagalan ang pag-repair ng transmission lines kung magtutuloy-tuloy ang pag-ulan.
Umaasa ang NGCP na huhupa ang tubig-baha upang agad nilang maayos ang sirang linya at maibalik na ang koryente.