BUNSOD nang umiinit na namang usapin tungkol sa problema sa trapiko sa Metro Manila, muling iginiit ng kilalang election lawyer na si Romulo Macalintal ang kanyang panukalang four-day work week.
Ipinaliwanag ng abogado, dapat magkaroon ng kanya-kanyang araw na walang pasok ang bawat lugar sa Metro Manila.
Halimbawa aniya, tuwing Lunes, pwedeng walang pasok sa trabaho sa Quezon City, Las Piñas, at Pasay City. Habang tuwing Martes aniya walang pasok sa Caloocan at Mandaluyong, Miyerkoles sa Muntinlupa at Parañaque, Huwebes sa San Juan Pasig, at Makati at Biyernes sa Malabon, Navotas, Valenzuela at Pateros.
Sa ganitong paraan aniya mababawasan ang mga sasakyan sa mga lansangan sa Metro Manila.
“Kapag holiday ang Maynila at San Juan, kapag ‘yung San Juan Day at Manila Day sabay ‘yan e June 24, mapapansin mo hindi masyadong ma-traffic kasi nababawasan ang behikulo,” sabi ni Macalintal.
“Kung magkakaroon nang magagandang kombinasyon ng mga city na walang trabaho, palagay ko mababawasan ang mga tatakbo sa mga kalsada sa Metro Manila.”
Dagdag ni Macalintal, puwedeng gawin ang pilot testing sa lahat ng tanggapan ng gobyerno sa loob ng dalawang linggo at pagkaraan ay sa mga pribadong tanggapan naman ito susubukin.
Bilang kapalit ng isang araw na kabawasan sa araw na papasok ang isang empleyado, gagawin nang 10 hours a day ang pasok imbes eight hours.
Noong nakaraang taon, tumanggi si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino na ipatupad ang four-day work week sa kanyang mga gabinete. Maging ang Korte Suprema ay nagsabi nang hindi nito babaguhin ang Lunes hanggang Biyernes na trabaho.