WHAT the fact?!
Halos 90 porsiyento ng pinalalayang Philippine Eagle ng Philippine Eagle Center (PEC) sa kagubatan pinapatay daw ng mga walang pusong hunter.
‘Yan mismo ang ginawang kompirmasyon ng isang Dennis Salvador ng Philippine Eagle Foundation matapos mabuyangyang sa buong bansa na ang inaalagaan nating si Pamana ay binaril sa Davao Oriental.
Natagpuang patay si Pamana noong Agosto 16, isang kilometro mula sa Brgy. San Isidro sa nasabing probinsya, kung saan pinalaya noong Hunyo 12, Independence Day.
batay sa necropsy, ang 3-anyos agila ay may tama ng bala sa kanang dibdib. Nabasag din ang scapula nito.
Wala pang tukoy na suspek kung sino ang bumaril kay Pamana, na mahaharap umano sa kasong paglabag sa Wildflife Act of 2002.
Dinala na ang labi ni Pamana sa Philippine Eagle Center (PEC) sa Malagos, Davao.
At ayon nga kay Salvador, 90% ng mga pinalayang Philippine Eagle ay napapatay.
Pinaiigting na raw ang campaign at public education para sa campers upang mas mahigpit na maipatupad ang batas na nagpoprotekta sa wildlife species.
Pinalaya si Pamana sa virgin forest ng Mt. Hamihuitan, isang UNESCO Heritage Site, noong Hunyo.
Ito’y makaraan siyang dalhin sa PEC mula nang matagpuan sa Mt. Gabunan Range sa Iligan City noong 2012.
Kung ganyan pala ang nagiging kalagayan ng mga Philippine Eagle natin, e ano palang ginagawa ng Department of Natural Resources and Environment (DENR) sa wildlife forest natin?
By the way, mayroon ba talagang nakatalagang tao ang DENR sa wildlife forest natin?
O baka naman wala dahil walang kita?!
O baka naman wala dahil nakatuon lahat sa ‘mining’ at pagbabantay sa mga dalampasigan na pwedeng ibenta sa mga pribadong indibiwal o real estate companies?!
Aba, kung hindi tayo nagkakamali, malaki ang inilalaang budget ng DENR sa mga endangered species pagkatapos magwawakas lang sa pamamaslang ng kung sino-sinong iresponsable sa kagubatan?!
Mayroon pa ba talagang silbi ang DENR?
Pakisagot na nga Secretary Ramon Paje?!