Mga bulag sa Ilegal na sugal sa MM
Robert B. Roque, Jr.
August 18, 2015
Opinion
PATULOY sa pamamayagpag ang mga ilegal na sugal sa Metro Manila na parang may tagabulag, at hindi umano nakikita ng mga awtoridad na dapat humuli sa kanila.
Sino kaya ang “Ver Bicol” at alyas “Pinong” na parehong umaarangkada sa larangan ng ilegal na sugal na lotteng sa Quezon City?
Ayon sa mga espiya ng Firing Line, itong si Ver ay nagpapakolekta ng mga taya sa buong siyudad, partikular sa mga lugar na sakop ng Quezon City Police District Stations 3 at 11.
Parehong hindi nare-raid ang mga puwesto nina Ver at Pinong at ang ipinagyayabang ng dalawa ay nakatimbre raw kasi sila sa QCPD.
Bukod sa QC, ang lotteng ni Pinong ay namamayagpag hanggang Caloocan at wala rin daw silang problema sa Northern Police District. Iyan ay ayon mismo sa bata niyang si Narly.
Ipinagmamalaki ni Pinong at ng ilan pang mga ilegalista na ang padrino raw nila sa Caloocan ay si retired Major Manoling Malapitan, kapatid ni Mayor Oca Malapitan.
Ang enkargado ni major sa pangongolekta umano ng protection money ay isang “Ver” na nag-o-operate naman ng pergalan (peryang may sugalan) sa Bukid Area.
Ito rin kaya ang “Ver” na naging kontrobersiyal noon dahil sa mabilis niyang pagyaman at pagpapatayo ng bahay at mansiyon habang enkargado ng ilang estasyon at yunit ng pulis sa Maynila?
Parang mahirap paniwalaan na may kinalaman ang magkapatid na Malapitan sa ganitong uri ng negosyo. Ngunit habang may mga ilegal na sugal sa Caloocan ay hindi rin maiiwasang maglaro sa isipan ng mga tao na maaaring totoo ang mga paratang.
Dapat lang sigurong pabulaanan ang kayabangan nito sa pamamagitan ng pag-raid sa mga puwesto ng kanilang sugalan.
Hindi magandang makita na ang ating mga pulis ay nagmimistulang bulag na walang nakikita o mangmang na ginagago ng mga ilegalista na patuloy na namamayagpag sa bawal na sugal.
Pati ang pangalan ng alkalde ay nadadawit ngayon sa kalokohan sa Caloocan.
Ano sa palagay mo, Mayor Malapitan?
Balak kaya itong aksiyonan at tuldukan nina Chief Superintendent Edgardo Tinio, QCPD director; at Senior Superintendent Job Marasigan, NPD chief? Trabahong pulis po ito, ‘di po ba?
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.