SA nakikita namin, anumang gawing pagsisikap ng kalabang show ngayon para malabanan ang popularidad niyong AlDub ay walang mangyayari. Kailangang hintayin nila kung kailan magsawa ang mga tao sa “dubmash” para mawala rin ang novelty niyang si Divina Ursula Bokbokova Smash, o Yaya Dub, at matapatan nila iyon. Iyon ay kung hindi naman mababago ang image ni Yaya Dub at mailusot din siya bilang si Maine Mendoza.
Mahirap sabayan iyan eh. Tingnan ninyo, ngayon lang nagkaisa iyong AGB Nielsen at Kantar Media sa resulta ng kanilang mga survey at pareho silang nagsasabi na nakapag-rehistro nga ang Eat Bulaga ng all time high at dalawang araw na nangibabaw sa lahat ng daytime shows.
Sa figures ng AGB Nielsen, ang Eat Bulaga ay nakapagrehistro ng 29.2% noong August 7, samantalang 10.9% lang ang nakuha ng Showtime. Noon ding August 8, kung kailan inaasahan ng mga tao na ikakasal si Yaya Dub kay Frankie Arinoli, na siyempre mapipigil sa pagdating ni Alden Richards, ang Eat Bulaga ay nakapagrehistro ng 32.4% laban sa 16.6% lamang ng Showtime. Iyong 32.4% nakukuha lang iyan ng isang prime time show, at mataas iyan kahit na sa primetime.
Kung sa bagay, talaga namang walang tumalo sa ratings sa Eat Bulaga kahit na noon pa. Kahit nga noong kasikatan ni Willie Revillame eh, nakadikit siya pero hindi niya nalampasan ang Eat Bulaga. Pero ngayon sobrang lampaso naman ang nangyari. Sa ganyang ratings, sino pa kaya ang naiwan para manood sa TV5 o sa iba pang estasyon?
Kahit na hinimatay na, naospital at hindi na nakasipot si Yaya Dub, mataas pa rin ang ratings ng show dahil inaabangan pa rin kung makakabalik na siya.
Riyan sa nangyayaring iyan, hindi namin masasabing ang nagdadala ay si Alden. Matagal na iyang si Alden eh, hindi naman napansin ng ganyan. Talagang si Yaya Dub ang nagpabago ng sitwasyon. Kagaya rin naman iyan noong hindi namin masasabing si Kathryn Bernardo ang bumubuhat kay Daniel Padilla, dahil obvious naman na mas matindi ang popularidad ng matinee idol.
HATAWAN – Ed de Leon