PUMASOK kagabi sa bahay ni Kuya ang tinaguriang ‘pinakabatang housemate’ na si baby Romeo, ang isang taong gulang na anak ng Determined Dad ng Australia na si Philip Lampart na mananatili roon hanggang Biyernes bilang bahagi ng bagong task ni Kuya na layuning ipalamas ang pag-aaruga at pagmamahal ng isang ama sa kanyang anak.
Marami ang naka-relate rito lalo pa’t nakagisnan ng maraming pamilyang Filipino na wala ang ama habang lumalaki ang mga anak dahil nakatutok ang mga ito sa pagkayod. Nais ng programa na mamulat ang mga manonood sa problema ng absentee fathers at ang epekto nito sa pamilya.
Para masiguradong maibibigay ang pangangailangan ni baby Romeo, pinahintulutan ni Kuya ang ina nito na maglabas-masok sa kanyang bahay.
Ang Pinoy Big Brother ay tinaguriang ‘teleserye ng totoong buhay’ dahil sinasalamin nito ang bawat Filipino sa pamamagitan ng makukulay na kuwento ng iba’t ibang housemates. Para subukin ang kanilang pagpapakatotoo, nagbibigay si Kuya ng iba’t ibang tasks o hamon na tiyak magpapatatag at magpapabuti sa kanila bilang indibidwal na sa bandang huli ay kapupulutan naman ng aral at inspirasyon ng mga manonood.
Simula pa lang ng season one ng Pinoy Big Brother ay pinahahalagahan na ni Kuya ang papel ng ama sa pamilya nang ipasok nito sa kanyang bahay ang mga anak ng nangungulilang housemate na si Jayson Gainza. Sa loob din ng bahay mas lumakas ang pagsasama ni Pinoy Big Brother Teen Edition Plus big winner Ejay Falcon at ng nakagisnang ama. Kamakailan sa PBB 737 ay trending din ang tagpo nina Jimboy at ama nito.