Kongreso, kulang sa staff? Kotongan sa boundary ng QC at San Mateo
Almar Danguilan
August 11, 2015
Opinion
NAGTITIPID nga ba ang Mababang Kapulungan ng Kongreso o wala nang pondo? Imposibleng walang pondo dahil kabubukas lang uli nito.
Naitanong natin ito matapos na makakalap tayo ng impormasyon na kulang na kulang sa staff ang kongreso? Totoo nga ba ito mahal na Speaker Sonny Belmonte?
Ano pa man, malaki raw ang pangangailangan ng Mababang Kapulungan ng mga kawani ngunit lubos na ipinagtataka ng nakararami (sa loob) kung bakit hindi umaarkila o kung bakit walang bukas para tumanggap ng mga bagong empleyado ang Kongreso.
Kung budget naman daw ang pag-usapan, malaki ang natatabi ng Kongreso para sa mga bagong kawani. Hindi daw lingid sa kaalaman ng mga nakatataas na opisyal o top brass ng Kongreso ang pangangailangan ng staff pero nagtataka maging ang ilang opisyal kung bakit ayaw ng “top brass” ng Kongreso ang umarkila para sa mga bakanteng posisyon. Bakit nga ba?
Linawin natin ang isyu ha, hindi ang individual staff para sa bawat congressmen ang pinag-uusapan natin kundi para sa loob ng Kongreso.
Ang bali-balita raw kaya hindi binubuksan ang mga bakanteng posisyon ay para maging “pogi” ang kasalukuyang pamunuan ng Mababang Kapulungan. Pogi in the sense na masasabing mayroon silang malaking pondo (savings) na naitatabi pero sa kabila nito ay nagdurusa ang mga kawani ngayon dahil doble-doble ang kanilang trabaho. Aba kayod-kalabaw pala ang mga kawani ngayon sa Kongreso. Totoo ba ito? E ba’t sabi ng ilang kasamahan sa hanapbuhay diyan marami nga raw nakatambay lang o nagnanakaw ng oras kapag nakatalikod ang kanilang mga bossing.
Gano’n?
Pero, totoo nga ba ito mahal na Speaker Belmonte na maraming bakanteng posisyon diyan pero “freeze hiring” ang iniimplementa para may “savings” ang Mababang Kapulungan?
Hindi naman siguro at sa halip, talagang hindi pa kayang umarkila ng mga bagong kawani dahil walang pondo o ‘di kaya, baka naman tama lang ang bilang ng staff ngayon?
Hehehe… Kongreso, mawawalan ng pondo? Maniwala… oo, maniwala kayo! Mawawalan ng pondo ang Kongreso. Hahahaha.
Sila nga ang nagpopondo para sa bawat ahensiya ng pamahalaan, tapos Kongreso mabibitin sa pondo. Himala!?
Pero mahal na speaker, kung totoo man nagtitipid ang Kongreso ngayon sa kabila nang mayroon pa naman nalalabing pondo para sa “job opening” sana’y ilagay sa lugar ang pagtitipid.
Katunayan, walang masama sa pagtitipid pero tingnan naman natin ang kabilang mukha ng barya.
Masasabi ngang may natatabing malaking pondo ang Kongreso pero, paano iyong pangangailangan ng staff sa loob para mapabilis ang mga trabaho?
Ito lang naman ay kung totoong sa kabila ng lahat ay walang aksyon ang pamunuan ng kongreso ngayon.
Uli, walang masama sa pagtitipid basta ilagay lang sa tamang aspeto.
Teka, baka naman hindi ipinararating kay Speaker ang pangangailangan ng kawani sa Kongreso kaya, walang hiring ?
Puwede rin.
Kotongan sa tulay ng San Mateo, Rizal at QC!
Iyan ang inireklamo sa atin ng mga motorista na nagagawi sa lugar. Partikular na tinutukoy ay sa Batasan-San Mateo Road (tinatawag din C-6 ang highway).
Hindi pulis o tauhan sa trapiko ng San Mateo ang inirereklamo kundi mga pulis QCPD na ‘palabas’ lang na nanghuhuli sa lugar. Bago lumabas sa Quezon City ang mga motorista – may dalang motorsiklo, closed van o delivery trucks, etc. (na paboritong kunwaring huhulihin) o ‘di kaya kapapasok ng QC, kanilang hinaharang at ipinatatabi.
Huli ka! Sa kung ano-anong violation daw pero ang totoong pala ay kotong ka.
Noong ginagawa ito – marami silang mga kasabwat – QC pulis, QC traffic enforcers, mga crew ng smoke belching pero, wala naman silang tinutuluyan at sa halip, lahat ng pinapara ay kinokotongan ng P100 hanggang P500 bawat isa.
Gen. Ed G. Tinio, QCPD Director, batid nang marami na bagong upo pa lang kayo sa QCPD, Kaya, nananawagan ang mga motorista na wakasan na ang kalokohan na nangyayari sa boundary ng QC at San Mateo, Rizal.