HUMANTONG na sa personalan ang bangayan sa politika ng administrasyon at kampo ni Vice President Jejomar Binay.
Una rito, naglagay si Presidential Spokesman Edwin Lacierda ng mensahe sa kanyang Facebook personal account bilang reaksyon sa pahayag ni VP Binay na ang plano ng Liberal Party (LP) na manatili sa poder sa loob ng 20 taon ay isang uri ng one-party dictatorship.
Umalma rito si Joey Salgado, head ng media affairs ni Binay, at hinikayat si Lacierda na tigilan na ang pagle-lecture kay Binay hinggil sa demokrasya at paggamit sa EDSA People Power Revolution.
Inihayag din ni Salgado na patapos na ang haciendero leadership’ at wala aniyang ‘forever’ sa panunungkulan.
Bumuwelta si Lacierda sa pagsasabing desperado na ang kampo ni Binay dahil pati Facebook niya ay pinapatulan na rin.
Ayon kay Lacierda, halatang pikon na si Binay at pinupuntirya na ang mensahero.
Noong nakaraang linggo, umabot sa gay lingo o salitang bading ang patutsadahan nina Lacierda at Salgado.