ILOILO CITY – Umabot sa 150 katao ang nabiktima ng food poisoning sa handaan sa kasal sa Brgy. Gogo, Estancia, Iloilo kamakalawa.
Ayon kay Chief Insp. Lorenes Losaria, hepe ng Estancia Municipal Police Station, ang mga biktima ay dumalo sa kasal ng isang Ilongga sa napangasawang British national.
Ngunit pagkatapos kumain ng afritada, lechon at kaldereta, nakaramdam ang mga biktima ng pananakit ng tiyan, panginginig ng katawan at pagtatae.
Mahigit 70 biktima ang dinala sa Jesus M. Colmenares District Hospital habang ang iba ay hindi na nagpa-confine.
Sa mga dinala sa ospital, apat ang nananatili sa pagamutan at patuloy na inoobserbahan.
Nag-utos na ng imbestigasyon ang Iloilo provincial government sa pangunguna ng Iloilo Provincial Health Office na agad din nagtungo sa lugar.
12 katao naospital sa food poisoning sa North Cotabato
KIDAPAWAN CITY – Isinugod sa Cruzado Hospital sa Pikit, North Cotabato ang 12 katao na nalason sa kinaing polboron, pastil at nilutong bigas sa magkahiwalay na lugar.
Ayon kay Pikit municipal health officer Dr. Edwin Cruzado, unang naisugod ang tatlo katao na biktima ng food poisoning mula sa niluto nilang polboron sa bayan ng Pagalungan sa Maguindanao.
Sinundan ito ng apat katao na nalason sa kinain nilang pastil na nabili sa isang tindahan sa Kabacan, North Cotabato.
Ang mga biktima ay pawang mga residente sa Brgy. Poblacion sa bayan ng Pikit.
May lima rin katao na naisugod sa Cruzado Hospital na nalason sa niluto nilang bigas na nabili sa Public Market ng Pikit.
Karamihan sa mga biktima ay nakaranas nang labis na sakit ng tiyan, pagsusuka at nag-LBM.
Sa pagsusuri ng mga doktor sa naturang pagamutan, sinasabing gastroenteritis ang dahilan nang pagkaka-ospital ng mga biktima.
Sa kasalukuyan, isinailalim na sa laboratory test ang specimen ng mga polboron, pastil at nilutong bigas na kinain ng tatlong pamilya mula sa Pikit, North Cotabato at Pagalungan Maguindanao.
Ang mga biktima ay agad din nakauwi sa kanilang tahanan nang malapatan ng kaukulang lunas.