ISANG lalaking hinihinalang karnaper at kabilang sa grupong nagkakalat ng mga pekeng pera sa Bulacan, ang naaresto ng pulisya sa operasyon ng mga awtoridad sa San Jose del Monte City, sa lalawigan.
Sa ulat mula sa San Jose del Monte City Police, ang naarestong suspek ay kinilalang si Alex Ortua, habang nakatakas ang kasabwat niyang si Francisco Ortua.
Nabatid sa ulat, naaresto si Alex nang maaktohan kasama si Francisco na ninanakaw ang nakaparadang motorsiklo ng isang Nonie Castro sa Brgy. Muzon, sa naturang siyudad.
Imbes masiraan ng loob, tinugis ng biktima ang dalawang suspek hanggang makorner niya si Alex ngunit si Francisco ay mabilis na nakatakas.
Agad binitbit ni Castro si Alex sa Community Police Assistance Center at iniulat ang ginawang pagnanakaw sa kanyang motorsiklo ng dalawang suspek.
Habang sumasailalim sa pagtatanong ni PO3 Lilia Sharon, imbestigador sa kaso, inamin ni Alex na sila ng nakatakas na si Francisco, bukod sa pagiging karnaper ay sangkot din sa paglilimbag ng pekeng pera,
Sa isinagawang follow-up operation sa itinurong bahay ng suspek sa Brgy. Fatima, Sapang Palay, narekober ng pulisya ang 135 piraso ng pekeng 100 peso bills na nagkakahalagang P13,500 at HP Deskjet Ink Advantage 4615 printer, silk screen with mark money, at casette tape na pinaniniwalang ginagamit ng mga suspek sa paggawa ng pekeng pera.
Mga kasong carnapping at paglabag sa RPC Art. 168 ang inihain laban sa naarestong suspek habang pinaghahanap ang nakatakas na kasama.