Noon ‘yon…
Almar Danguilan
August 4, 2015
Opinion
NAKABIBILIB din ang apoy este, ang fighting spirit ni Vice President Jejomar “Jojo” Binay. Talagang palaban ang mama sa kabila ng lahat.
Napanood naman siguro ninyo sa telebisyon (balita) ang kanyang reaksiyon hinggil sa pag-endorso ni PNoy sa kanyang best friend noong nakaraang Biyernes (Hulyo 31, 2015) sa Club Filipino.
Inendorso ni PNoy ang BFF niyang si DILG Sec. Mar Roxas na maging pambato ng Liberal Party sa panguluhan para sa 2016. Paktay ang LP este, hindi naman dahil malayo pa ang halalan – kaya pa naman siguro ni Mar na iangat ang lagpak niyang “grado” sa mamamayan. Sana nga kayanin pa — sana ay pakinggan ni Roxas ang payo ni Speaker Belmonte na dapat ayusin ni Mar ang kanyang PR sa mamamayan.
Bakit hindi pa ba maayos ang lahat — nagbuhat na siya ng bigas, nagtrapik na, nagmaneho na ng police mobile car, nagmotorsiklo na, ano pa? Hindi pa ba maayos ‘yon?
Hindi, kasi ang lahat ay tila sapilitan lang ginawa para sa nalalapit na halalan. Kaya kung inakala ni Mar na nakadaragdag sa PR ang mga pinaggagawa niyang iyon. Well, maling-mali siya. Hindi iyon ang kailangan ng maralita.
Anyway going back kay Jojo Binay… kita naman natin ang pagmamalaki ni Binay. Aniya, kayang-kaya niya si Roxas sa 2016. Pinagbasehan ng mama na may lahi ring Ybanag tulad natin, ang nakaraang halalan.
Noong eleksyon nang 2010, nakatunggali ni Binay si Mar sa posisyong bise president. Tinalo ni Binay si Mar. Kanyang pinakain ng alikabok. Yes, hindi lang talo si Mar kundi talagang talong-talo.
Kaya malakas ang loob ni Binay ngayon. Malaki ang posibilidad na mangyayari ulit. Iyon ang ibig sabihin ni Binay sa kanyang pananalita. -malya – bagamat pinabulaanan mo ang lahat ng akusasyon. Ngunit, marami ang hindi naniniwala sa pagtanggi mo sa akusasyon.
Lamang, wala pa namang napapatunayan sa mga akusasyon kaya masasabing okey pa si Binay.
Ngunit, kaya pa kayang pakainin ni Binay ng alikabok si Roxas sa 2016? Oo nga’t sa survey ay talo ni Binay si Mar pero, iba na ang lahat. Nahaharap na sa kaso si Binay sa anti-graft agencies ng pamahalaan.
Kaya pa kaya ni Binay si Roxas? Puwedeng hindi lalo na’t hindi pa tapos ang panggigiba kay Binay. Lamang, inuulit ko, wala pang napapatunayan laban kay Binay. Pulos paninira pa lang.
Ipagpalagay natin na si Binay pa rin ang pipiliin ng marami… ‘e paano si Sen. Grace Poe kapag lumaban. Paano iyan VP Binay? Malaki ang posibilidad na kapag tumuloy ang senadora sa panguluhan, maaari rin maranasan ni Binay ang ginawa niya kay Roxas noon nakaraang presidential election.
Kaya VP, kayod pa.
At kay PNoy naman, ligaw pa PNoy kay Poe at baka tumuloy ‘yan sa panguluhan. Kapag mangyari ‘yan, malamang na pupulutin din sa kangkungan si Mar… maging si Binay siguro kapag nagkataon.
Pero ano ba ang mayroon kay Poe, may nagawa na ba siya? Ba’t siya ang nangunguna sa survey? Bakit nga ba? Tulad ni PNoy kaya nanalo noong 2010 – dahil sa pagkamatay ng nanay niyang si dating Pangulong Corazon habang si Poe ay dahil naman kay FPJ.
Kaya VP Binay, huwag muna kayong magbilang ng sisiw hangga’t hindi pa napipisa ang lahat pero ano pa man, sana ay malusutan mo ang lahat ng akusasyon laban sa ‘yo dahil hinog ka na rin (VP) sa panguluhan. Yes, hinog lang, ‘wag lang hinog na hinog dahil ang hinog na hinog ay ayaw ng marami ‘yan dahil malapit nang mabulok.
Sana naman sa 2016 ay lahing Ybanag naman (sa Malacañang) ang maging lider ng bansa.
Ybanag labbi sonu 2016.
Kaya VP Binay, kayod pa kahit na batid mong nakalalamang ka.