Hirap si VP Binay makabuo ng tiket
Joey Venancio
August 2, 2015
Opinion
KUNG noong napakataas ng trust ratings ni Vice President Jojo Binay ay nag-uunahan o nakapila sa kanya ang mga gusto tumakbong Vice President at Senador sa 2016 elections, ngayon ay hirap na itong makabuo ng lineup.
Ito’y dahil sa todong pagbagsak ng kanyang trust ratings sa mga survey at maging sa social media ay sobrang negative na ang kanyang imahe.
Bunga ito ng mga nabunyag na katiwalian sa Makati City na pinamunuan niya at kanyang pamilya simula 1986 na hindi niya maipaliwanag sa publiko.
Oo, inamim mismo ni VP Binay na wala pa siyang Vice President at hindi parin kumpleto ang kanyang senatorial lineup kahit na mayroon na siyang “search committee” para sa pagbuo ng tiket.
Ang kanyang mga mga inalok na maging running mate ay tinanggihan siya tulad nina Sen. Grace Poe, Batangas Gov. Vilma Santos, Davao City Mayor Rodrigo Duterte at maging si Mayor Joseph Erap Estrada.
Ang hindi pa inalok ni VP Binay maging ka-tandem ay si Amay Bisaya na atat tumakbong bise sa tiket niya. Hehehe…
‘Bastos’ na Makabayan bloc
Ginoong Venancio, maling mali naman ang ginawa ng Makabayan bloc sa ginawa nilang protesta sa loob pa mismo ng Batasang Pambansa pagkatapos ng SONA ni President Noynoy Aquino. Totoong lahat tayo ay may karapatang ipahayag ang ating mga saloobin o freedom of expression pero hindi nangangahulugan na pwede narin natin bastusin ang ating Pangulo. Sino ba ang mas kahiya-hiya sa kanilang ginawa? Para silang hindi nag-aral o daig pa sila ng bata na pumapasok sa elementarya na dapat isabuhay ang paggalang sa kapwa. Anong klaseng mambabatas iyang sila Carlos Zarate ng Bayan Muna party-list, Emmi de Jesus at Luz Ilagan ng Gabriela paryt-list, Terry Ridon ng Kabataan party-list, Fernando Hicap ng Anakpawis party-list at Antonio Tinio ng ACT-Teachers party-list? Kung mga katulad nila ang magre-represent ng mga manggagawa, guro, kabataan at kababaihan mabuti na siguro i-abolish na ang partylist system dahil maliwanag na hindi sila mabuting halimbawa ng isang taga-balangkas ng batas. Hindi proper venue ang House of Representatives para magprotesta at ipahayag ang opinyon. Kung mayroon silang reklamo sa administrasyon ay maari silang gumawa ng batas na mas karapat-dapat na ipasa. Mabuti na lang si Pangulong Aquino ay inaral ang salitang “deadma” at hindi nalang pinansin ang patutsada ng mga makakaliwang grupo. Kaya mas tatandaan ko lalo ang mga politikong hindi ko iboboto sa susunod na eleksyon 2016 at sisiguraduhin ko na pati kapamilya at kaibigan ko hindi mamarkahan ang pangalan ni isa man sa miyembro ng Makabayan bloc. – Rosita V. Dupra, Retired Teacher, Pandi, Bulacan
Sana tumakbo uli si Mayor Lim sa 2016
– Sir Joey, napakinggan ko ang SOCA ni Erap. Karamihan naman sa kanyang sinabi ay walang katotohanan. Sa totoo lang problema nga po namin ang aming suweldo, Phil Health at Magna Carta. Tapos kung umikot po kayo ngayon sa Maynila lalo sa gabi madilim at nakakatakor dahil andaming holdaper, snatcher na riding in tandem. Marami ring nang-aagaw ng motorsiklo at grabe na po ang iligal na droga. Tapos sa araw, tanghali hindi parin nahahakot ang mga basura sa kalye. Ang pangit narin po ng Carriedo at Avenida pati Divisoria, puros kubol ng vendors. Mali-mali yata ang report kay Erap ng mga opisyal niya e. Ay naku… sana tumakbo uli si Mayor Lim sa 2016. Ayaw na namin kay Erap! – 09058225…
Sa pagkakaalam ko ay buo na ang tiket ni Lim para sa 2016. Ang kanyang running mate ay si outgoing Cong. Atong Asilo ng District 1 ng Tondo. Tiyak magiging mahigpit ang labanan ngayon dahil tatlo ang maglalabang mayor. Ang isa pa ay si outgoing Cong. Amado Bagatsing ng 5th District na ang ka-tandem ay si Konsehal Ali Atienza. Kanino kayo? Kaliskisan nyo nang mabuti…
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015