TANGING ang concert promoter lamang ni Chris Brown ang humarap sa preliminary investigation ng Department of Justice (DoJ) kaugnay sa kasong estafa nila ng American RnB superstar.
Kasama ni Michael Pio Roda ang kanyang mga abogado, na humirit ng 15 araw para sagutin ang kinakaharap na reklamo dahil hindi pa nila nababasa ang lahat ng nakasaad sa complaint ng Maligaya Development Corporation.
Wala rin ipinadalang kinatawan si Brown para sa preliminary investigation. Una rito, nagpalabas ng subpoena ang DoJ para kay Brown at Roda para magbigay ng pahayag sa $1-milyon o mahigit P40 milyon estafa complaint na isinampa ng isang religious sector.
Sa subpoena na pirmado ni Assistant State Prosecutor Christine Marie Buencamino, nakasaad na pag-kakataon ito ni Brown o ng kanyang kinatawan na masuri ang mga ebidensiyang isinumite ng complainant hinggil sa pag-isnab sa New Year countdown noong nakaraang taon sa Philippine Arena gayong bayad na umano ang buong talent fee niya.
Puwede umanong isnabin ng dalawa ang subpoena ngunit mapalalampas din ang tsansa para sagutin ang mga alegasyon at idepensa ang sarili.
Una nang tiniyak ni DoJ Sec. de Lima na tuloy ang preliminary investigation sa kaso ng 26-year-old Grammy nominated singer kahit wala na siya sa bansa.
Nitong Hulyo 21 nag-concert sa Filipinas si Brown, ngunit hinarang sa airport kinabukasan hanggang inabot ng Biyernes noong nakaraang linggo bago pinakuha ng clearance sa Bureau of Immigration.