SONA ba o graduation rites lang?
Almar Danguilan
July 30, 2015
Opinion
Naging valedictorian address ang talumpati ni PNoy sa kanyang huling SONA. Iyan ang sabi ni ACT-CIS Party-list Rep. Samuel “Sir Tsip” Pagdilao, Jr.
Sa kanyang talumpati, kaharap ang mga mambabatas ng Senado at Kongreso, iniyabang ni PNoy ang kanyang accomplishment sa loob ng limang taon. At siyempre, ‘di mawawala ang sisihin pa rin si Ate Glo para naman makalusot sa kanilang kapalpakan.
Pero infairness, naging okey naman ang gobyernong PNOy. Saan? Sa larangan daw ng ekonomiya at impraestruktura pero naging salat naman ang Report Card ni PNoy sa kanyang mga boss sa pagpaparamdam sa masang Filipino ng mga pagbabagong ito. Habang dumami ang nakinabang sa CCT/4Ps program, tila marami pa rin sa ating mga kababayan ang sadlak sa kahirapan.
Naging matinik si PNoy sa kanyang laban kontra katiwalian. Lamang, siya’y nakapokus sa mga katunggali sa politika. Weder… weder lang ‘yan ‘ika nga!
Desmayado rin ang dating pinuno ng CIDG, si Sir Tsip Pagdilao, sa hindi pagbibigay prayoridad ng Pangulo sa AFP at PNP Modernization Programs na dapat tutugon sa problema ng pulisya at ng “peace and order” ng bansa.
Sa kabila ng pagmamalaki ni PNoy sa iilang matagumpay na operasyon at paghuli sa mga notoryus, nabaon na rin sa limot ang sakripisyo ng SAF44 na naging susi sa pagkakapatay sa teroristang si Marwan.
Nasaan na ang hustisya para sa magigiting na SAF? Mukhang nakalimutan na ni PNoy ang pangakong bibigyan ng katarungan ang pagkapaslang ng SAF 44.
Wala rin malinaw na direksyon sa pulisya kung paano masusugpo nang tuluyan ang problema sa droga at sa kriminalidad.
Ipinagkibit-balikat na lang din ba ng administrasyon ang isyu ng transportasyon lalo na ang problema sa MRT? Hangga’t hindi ito nasosolusyonan, malaking dagok ito sa publiko at sa mga negosyo.
Ani Sir Tsip, dapat sana ay pagpanatagin ng Pangulo ang damdamin ng mga botanteng Filipino sa pagtitiyak na magkakaroon tayo ng isang mapagkakatiwalaang automated system para sa malinis at tapat na halalan sa susunod na taon. Bukod pa sa paggarantiya na ang tunay na boto ng taumbayan ang mananaig.
Napansin din ni Pagdilao na puno ng pamamaalam at pasasalamat ang huling SONA ni PNoy at kinalimutan sabihin ang tunay na estado ng bayan, sa mabuti man o sa masamang anggulo upang mailatag ang mga estratehiya para sa ikagaganda ng huling taon ni PNoy sa pwesto.
May nawawala ba kayong kaanak?
May nawawala ba kayong kaanak na isang lalaking nagkaka-edad ng 20 hanggang 25-anyos simula noong Hulyo 20, 2015? Sana itong ipinanawagan natin ay hindi ang taong hinahanap ninyo o kung sakaling siya man, tanggapin na lamang ninyo ang katotohanan.
Si PO2 Leonardo T. Policarpio ng Quezon City Police District Traffic Enforcement Unit (QCPD-TEU) Sector 4, imbestigador, (nakisuyo sa inyong lingkod na mailatahala ang insidente) ay nananawagan sa sinoman na may nawawalang kaanak .
Nitong Hulyo 20, hawak ni Policarpio ang kasong vehicular incident na nagresulta sa pagkamatay ng hindi kilalang lalaki. Nangyari ang aksidente sa kanto ng Quezon Avenue (Eastbound Lane) at Victory Avenue, Barangay Tatalon, Quezon City.
Dakong 5pm habang pababa ang lalaking pasahero sa bus ng Universal Guiding Star Busline Inc. (UVC 208) na minamaneho ni Jeremias Ricaplaza, nawalan ng balanse ang lalaki at masama ang pagkabasag sa sementadong kalsada kaya namatay.
Naaresto, nakakulong at kinasuhan na si Ricaplaza sa QC Prosecutors Office.
Si Policarpio ay nananawagan sa kaanak ng biktimang inilarawang nasa edad 20-25 anyos, sporting short haircut; tsinito; kayumanggi; medium built ang pangangatawan; nakasuot ng brown short pants; at may taas na 5’2” hanggang 5’6” na kilalanin ang biktima.
Nakalagak ngayon ang labi ng biktima sa morgue ng East Avenue Medical Center sa East Avenue, Barangay Pinyahan, Quezon City.