Pakinggan ang huling SONA ni PNoy
Joey Venancio
July 27, 2015
Opinion
HULING Ulat sa Bayan o State of the Nation Address (SONA) ngayon ni Presidente Noynoy Aquino.
Ihahayag ni PNoy ang accomplishments ng kanyang administrasyon sa nakalipas na limang taon at ang kanyang gagawin sa huling taon ng panunungkulan.
Ano-ano na nga ba ang kanyang mga nagawa? Natupad ba ang kanyang mga ipinangako sa atin sa mga nakaraang SONA?
Aba’y tutukan at pakinggan natin bago tayo gumawa ng komento ngayong hapon.
Pero ang pinakaaabangan dito ng lahat ay kung ihahayag ni PNoy ang kanyang manok para sa 2016 presidential election. Si Mar Roxas ba o si Grace Poe? So exciting…
Abangan!
Cong. Madrona, 7 pa swak sa graft (fertilizer scam) sa Sandiganbayan
UMUUSAD narin ang hustisya sa mga kinakasuhan ng katiwalian sa aking bayang sinilangan ng Romblon.
Pinakahuling pinakakasuhan ng Graft ng Ombudsman sa Sandiganbayan ang batikang traditional politician (trapo) na si Congressman Jesus “Budoy” Madrona.
Oo, sa joint resolution ng Office of the Ombudsman na pinirmahan ng malupit na Ombudsperson na si Conchita Carpio-Morales noong Marso 2 ng taon, pinakakasuhan si Madrona kasama ang pito pang sangkot sa fertilizer fund scam na nabunyag noon pang panahon ni Gloria Macapagal-Arroyo.
Ang pito pa ay sina Geishler Fadri, Ruby Fababeir, Joel Sy, Anthony Rugas, Oscar Galos, Richard Lozada na pawang may katungkulan sa kapitolyo ng Romblon noong binili ang abono taon 2004, at Elisa Morales ng Feshan Philippines Inc., na supplier ng fertilizer.
Nakita ng Ombudsman na mayroon ngang nangyaring sabwatan sa transaksyon sa pagbili ng milyones na abono na hindi dumaan sa public bidding.
(Parang ‘yung nangyari lang sa Makati Science High School ng mga Binay na bidding-bidingan ang ginawa).
Ang pondo na ginamit sa pagbili ng naturang abono ay mula sa Department of Agriculture na hiningi ng provincial gov’t.
Ang mga nagsampa ng kaso sa Ombudsman ay si dating Romblon Vice Mayor Lyndon Molino at Field Investigation Office-Task Force Abono ng Office of the Ombudsman.
Sa totoo lang, halos lahat ng proyekto ng local governments sa Romblon ay hindi dumaraan sa bidding. Sila-sila lang ang nagbi-bidding-bidingan!
Si Madrona at pito pang nabanggit na indibidwal ay ilan palang sa mga sinampahan ng kaso sa graft court. Una nang hinatulan sa kasong katiwalian sina dating Mayor Arboleda ng Looc sa ghost delivery yata iyon ng mga biik at dating Looc Mayor at SP Juliet Ngo Fiel sa kaso naman ng hindi gumaganang irrigation.
Sino pa kaya ang susunod? Kailangan na talagang mawala ang mga tiwaling politiko sa aming lalawigan at nang umusad na ang probinsiya.
Romblon Governor Ed Firmalo, hello! Kumusta na ang SUNWECO-TIELCO, wala nang brownout ha?
Health center sa Makati City laging walang doktor
– Sir Joey, dito po sa Brgy. Cembo, Makati City, ang health center dito ay laging walang duktor. Ang duktor po kasi rito ay si Dr. Campos na bilas ni Cong. Abby Binay. Palagi syang wala sa center. At nagagalit po siya kapag maraming pasyente na humihingi ng gamot. Kasi po dito sa Cembo, pirma muna ni Dok Campos ang unang kailangan bago ka makakuha ng libreng gamot. E palagi naman po siyang wala. Malakas ang loob niya kasi kamag-anak ng mga Binay. Sana magawan ito ng aksyon at ‘di na magpala-absent si Dok Campos para may magpirma ng resita sa gamot at makakuha sa Planet Drug Store ng libre para sa aming mga dukha ng Makati. Hindi naman po kasi lahat sa Makati maganda ang buhay. Nasa squatter din kami. Sana makarating sa mga Binay ang aming hinaing. At sana ang STF or benefits card mawala sana ang mga mukha doon ng mga politiko. Kasi mas malaki pa ang mukha nila kaysa name ng beneficiary e. Mga kawatan pa ang iba. – 09094829…
Mabuti pa nga riyan sa Makati ang mukha ng politiko sa benefits card lang nakalagay, sa Tarlac nga pati sa kabaong naka-print ang pangalan ng politiko e. Hehehe
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015