Ina, kapatid ni Ka Eddie itiniwalag (Sa nalalapit na 101 anibersaryo)
hataw tabloid
July 24, 2015
News
ITINIWALAG ng pamunuan ng Iglesia ni Cristo (INC) sina Tenny at Angel Manalo, ina at kapatid ng kasalukuyang punong ministro na si Eduardo Manalo.
Ito ang inihayag ni INC General Evangelist Bienvenido Santiago sa isang press conference makaraan maglabas ng video ang dalawa sa YouTube na sinabi nilang nasa panganib ang kanilang buhay.
Ani Ka Tenny sa naturang video, “Ako’y nanawagan sa aming mga kapatid sa Iglesia na tulungan ninyo kami dahil may panganib sa aming buhay. Saklolohan ninyo ang aking mga anak na sina Angel at Lottie at ang kanilang mga kasama.
“Tulungan n’yo rin ang mga ministro na dinukot at hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikita.”
Umapela rin ang biyuda na makausap ang isa pang anak na si Eduardo Manalo, na siyang kasalukuyang punong ministro ng Iglesia.
Sa kabilang dako, pinabulaanan ni Santiago ang pahayag ng biyuda at anak ng yumaong punong ministro na si Eraño “Ka Erdy” Manalo.
Naniniwala ang pamunuan ng INC na nais lamang makakuha ng mag-iinang Manalo ng simpatiya para mapakialaman ang pamamahala rito.
Giit ni Santiago, ang INC ay isang relihiyon at hindi isang korporasyon.
Dumaan din aniya sa tamang proseso ang paghalal kay Eduardo bilang kanilang punong ministro at hindi siya makapapayag na guluhin ninuman ang INC.
Nanindigan din si Santiago na walang banta sa buhay nina Tenny at Angel. Nilabag din aniya ng dalawa ang mga aral at regulasyon ng INC.
Habang hindi direktang sinagot ni Santiago kung may away-pamilya sa pagitan ng mga Manalo bagama’t inamin niyang hindi pa muli nakapag-uusap sina Tenny, Angel at Eduardo.
Ipagdiriwang ng INC ang kanilang ika-101 anibersaryo sa Lunes.
Banta sa buhay
KUMAKALAT sa internet ang video ng asawa at anak ng dating pinuno ng grupong Iglesia ni Cristo (INC) na si Ka Eraño Manalo.
Sa nasabing halos dalawang minutong video, makikitang nananawagan si Felix Nathaniel “Angel” Manalo at sa ikalawang bahagi ay tinig ng kanyang inang si Tenny Manalo.
Dito ay binabanggit ng dalawa ang paghingi ng tulong sa kanilang mga kapatid sa INC dahil anila sa banta sa kanilang buhay, gayondin sa kanilang mga kasamahan.
Bagama’t hindi tinukoy ni Angel ang direktang pinagmumulan ng banta, sinabi ng kanilang ina na nais niyang makausap ang kanyang panganay na anak na si Eduardo Manalo, ang kasalukuyang lider ng INC.
Binanggit din ang pagkawala ng ilang ministro na sinasabing dinukot ngunit walang tinukoy na responsable sa insidente.