MUKHANG suko na nga ang Channel 7 sa kanilang Sunday programming. Ibinigay na nila ang kanilang Sunday slot sa Tape Inc., na siya ring producer ng Eat Bulaga para sa isang bagong show na papalit na sa kanilang Sunday All Stars.
Hindi kasi tinalo ng alin man sa kanilang nagpapalit-palit ng format at title ang kalaban nilang ASAP. Ngayon mukhang mas napapansin pa ang Happy Truck ng Bayan.
Ang masakit lang, marami sa kanilang mga maliliit na stars ang mawawalan na naman ng trabaho, pero ganoon talaga eh, kailangang makipagsabayan ka sa kompetisyon at kung nakikita mo na ngang hindi ka makalaban, eh, bakit ka pa magpapatuloy?
Mukhang hindi maganda ang resulta ng kanilang Sunday programming. Maski na ang show ni Willie Revillame na inaasahan nila noong bubuhay sa Sunday afternoon time slot nila mukhang hindi maka-angat. Magtataka ka rin kung bakit samantalang may panahong dominated ng Channel 7 ang Sunday programming noong ang nagso-show pa sa kanila ay si Kuya Germs. Minsan umaabot pa ng apat na oras ang show ni Kuya Germs, may overtime pa iyon, pero maintained niya ang audience.
Mag-iisip ka rin eh, ano nga kaya ang nangyari sa kanila at nang alisin nila kay Kuya Germs ang kanilang Sunday programming, hindi na sila naka-abante pa?
Tingnan naman natin ang suwerte niyang ipapalit nila. Kung hindi pa rin, bakit hindi na lang nila amining nagkamali sila at ibalik na lang ulit si Kuya Germs?
HATAWAN – Ed de Leon