Si Ate Vi ang tatalo kay Chiz
hataw tabloid
July 22, 2015
Opinion
SINO ang nagsasabi na walang tatalo kay Sen. Chiz Escudero sa sandaling tumakbo bilang pangalawang pangulo ni Sen. Grace Poe? Hindi ito totoo. Hindi nangangahulugan na ang boto ni Grace ay boto rin ni Chiz.
At lalong delikado si Chiz kung ang star for all seasons na si Batangas Governor Vilma Santos ang kanyang maka-kabangga sa darating na 2016 elections.
Tiyak na may paglalagyan si Chiz at malamang na talunin siya ni Ate Vi kung silang dalawa ang maghaharap sa pagkapangalawang pangulo.
Bukod sa solid vote na siguradong makukuha ni Ate Vi mula sa kanyang mga tagahanga at mga kasamahan sa showbiz, malakas din ang suporta niya di lang sa Batangas, kundi sa Metro Manila, maging sa Visayas at Mindanao.
Ang tambalang Vilma at Bobot; ang mga pelikulang Trudis Liit, Darna, Sister Stella L at maging Burlesk Queen ay nasa kamalayan pa rin ng publiko at ito ay magiging adbentaha ni Ate Vi kay Chiz.
Hindi lang sa showbiz kuminang si Ate Vi; nagpamalas din siya ng galing sa politika.
Hindi nabahiran ng korupsiyon ang hanggang ngayon ay malinis na imahe bilang public servant – na taliwas sa imaheng mayroon si Chiz.
Walang maipagmamalaking achievement si Chiz maliban sa nakakapit siya sa laylayan ng palda ni Grace. Umaasa siya na sa sandaling matuloy ang tambalang Grace-Chiz ay madadala siya ng popularidad nito.
Pero sa sandaling magdeklara ng kandidatura si Ate Vi, tapos na ang maliligayang araw ni Chiz.
Ang kanyang pangarap na maging bise president ay maglalahong parang bula at umaasa ang marami na matitigil na ang kayabangan ng tumutulang politiko.