Friday , November 15 2024

Kon. Atienza tutulong vs Manila markets privatization

PUBLIC markets sa Maynila, isasapribado? Aray!

Kawawa naman ang mga nakapuwesto na kapag natuloy ang plano ng pamahalaan lungsod.

Kasi, tiyak na ang makakukuha lang ng puwesto ay iyong mayayaman imbes mga isang kahig, isang tuka na nagnenegosyo na pawang ang puhunan ay hiniram lang kay Mr. Bombay.

Teka, akala ko ba ang pamahalaang lungsod ng Maynila ngayon ay para sa mahirap. E, mukhang taliwas yata ha. Hindi naman siguro, baka isinasaayos lang ang lahat. Ang alin? Ang palengke o ang SOP? Ang palengke siyempre, kulit talaga o!

Dahil sa masamang balita, lumapit at hiningan ng 200 opisyal ng The Manila Federation of  Public Market Vendors Association si Manila  5th District Councilor Ali Atienza. Hiniling nilang tulungan silang  mapigilan ang planong pagsasapribado ng mga public market sa buong Maynila.

Ang matindi rito, sabi ng mga opisyal ng asosasyon na binubuo ng may 5,000 manininda na pinangungunahan ni Ms. Baby Pereno, wala naman daw public hearing o konsultasyon sa kanila ang City Council para sa plano. Nabulaga na lamang sila sa anunsiyo ng pagsasapribado ng mga palengke. Aba’y mukhang nangangamoy pera-pera ang palengke sa halip na malansa. Magkano ba?!

Pero ano pa man, hindi hahayaan ni Ali na mangyari ang  pangamba ng mga manininda. Tiniyak ni Ali na tutulungan niya ang grupo sa legal na paraan.

Sabi ni Ali, may punto  ang hinaing ng mga manininda dahil kapag naging pribado na ang mga palengke, magkakaroon ng malaking bayarin ang mga stall owner, o malamang, mapalayas pa sila sa kanilang mga puwesto at  paboran ang malalaking business sa loob ng palengke.

Bukod dito, posible rin ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin dahil sa mga karagdagang gastos ng isang stall owner sa upa at kung ano-anong mga obligasyon sa isang pribadong pamilihan.

Sabi pa ni Ali, hindi naman kailangang isapribado ang mga pampublikong palengke dahil bahagi ng public service ng gobyerno ang pagkakaroon ng pampublikong pamilihan na takbuhan ng mamamayan at legal na pinagkakakitaan ng maliliit na manininda.

Ang kailangan lamang aniya ay linisin, pagandahin at ayusin ang mga palengke at hindi na kailangan pang isapribado. Kapag nga naman naging pribado ang palengke, mawawalan ng kontrol dito ang pamahalaang lokal. Tataas ang renta sa puwesto at kasabay nito, s’yempre ang pagtaas din ng bilihin.

Ngunit, handa namang umayuda si Ali sa mga manininda sa legal na paraan upang mapigilan ang pagsasapribado ng mga public market.

Teka, hindi ba iniyayabang ng pamahalaang lungsod na maganda na ang kita ngayon at ‘di ba itinaas na rin nila ang bayaran sa local tax ng mga mamamayan at negosyante? Bakit kailangan muling pahirapan pa ang maliliit na manininda sa mga pampublikong pamilihan?

Wala na bang habag na natitira para sa mamamayan ang mga namumuno sa lungsod ngayon? Mero naman, kaya lang…habag-habagan na lang siguro.

Mukha yatang nakalilimot ang mga nais maisapribado ang mga palengke ng Maynila. Hoy halalan kaya sa susunod na taon. Kayo rin.

Teka, alam naman siguro ng mga nasa likod ng plano na halalan sa susunod na taon. So, ba’t may planong ganito. E halalan nga e. Kailangan ng pondo para sa…

Ano pa nga ba!?

Mabuti na lamang at mayroong isang Ali Atienza na natatakbuhan ang mga Manilenyo na handang umagapay sa kanilang karaingan. Wala mang pondo, ginipit man at pinepersonal sa Konseho ng Maynila, patuloy pa rin sa pagtulong at pag-ayuda sa mga karaingan ng mga taga-Maynila!

About Almar Danguilan

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *