5 pulis sa rubout idiniin ng testigo (Set-up ‘di holdap)
hataw tabloid
July 21, 2015
News
KUMANTA na ang testigo sa sinasabing pagpatay ng mga operatiba ng Manila police sa isang tricycle driver noong gabi ng Hulyo 14 sa Sampaloc, Maynila.
Sa pulong sa NBI, si Dagul, 21, ay natunton nang magkasanib na puwersa ng NBI at NAPOLCOM teams noong Hulyo 18, o apat na araw makaraan ang pagpaslang kay Robin Villarosa, suspek sa panghoholdap sa UST at pananaksak sa isang estudyante.
Kahapon ay iniharap ng NBI at Manila police sa media si alyas Dagul, ang angkas sa likod ng biktimang si Villarosa na lumundag nang sila ay makorner ng mga tauhan ng MPD Station 4 o Gulod PCP na pinamumunuan ni S/Insp. Rommel Salazar.
Si Dagul ang nakita sa CCTV na tumalon sa tricycle at nakatakas bago barilin ng pulis ang sinasabing notoryus na holdaper na si Villarosa.
Ayon kay Dagul, umaming asset ng MPD Station 4 sa illegal drugs, hindi totoong holdapan ang naganap kundi set-up upang maaresto si Villarosa.
Inamin ni Dagul, pumayag siyang i-set-up si Villarosa makaraan na siya ay pangakuan ng P20,000 ni Salazar sakaling masakote si Villarosa, ngunit usapan nila ni Salazar na hindi papatayin si Villarosa.
Dagdag ni Dagul, hindi totoong nangholdap sila nang gabing iyon, kinasabwat lang aniya nila si Kagawad Steve De Leon na kunwari siya ay naholdap.
Binigyan pa ni Dagul ng shabu (na galing kay Salazar) si Villarosa na ginamit bago ang kanilang gagawing panghoholdap noong gabi ng Hulyo 14.
Sinabi ni Dagul,binig-yan din siya ng 9mm na baril ni Salazar at sinabihan na magpaputok kapag sila ay nasakote na ng mga pulis ngunit hindi niya ginawa.
Makaraan ang kunwaring holdapan, tumalon siya sa tricycle at tumakbo, saka sumakay sa getaway vehicle na inihanda raw para sa kanya ni Salazar.
Ngunit nagulat na lamang siya nang makarinig ng putok.
Makaraan aniya ang kanilang trabaho ay hindi ibinigay sa kanya ang P20,000, kundi dalawang libong piso lamang, at siya ay sinabihan ni Salazar na umuwi sa kanilang probinsiya ngunit hindi niya ginawa.
Idinagdag ni Dagul, pinili niyang manatili sa kostudiya ng NBI dahil sa paniniwalang mas magiging ligtas siya rito.
Kaugnay nito, nilinaw ng NBI na hindi pa nila maaaring ituring na testigo sa krimen si Dagul, bahala na anila ang piskal sa pagdetermina sa salaysay ni Dagul.
Bukod kay Dagul, may isa pang menor de edad na hawak ang NBI na magpapatibay sa alegasyon ni Dagul.
Leonard Basilio