Mismatch sa LRT bid sa aksidente patungo
hataw tabloid
July 20, 2015
News
“KAILANMAN ay hindi dapat isangtabi at isakripisyo ang kaligtasan ng mga mananakay ng ating public transport. Huwag sanang hayaan ng pamunuan ng Light Rail Transit Authority na mangyari uli ang kalunos-lunos na aksidenteng nangyari na sa MRT 3 sa EDSA.”
Ito ang naging babala ni Atty. Oliver San Antonio, tagapagsalita ng National Coalition of Filipino Consumers (NCFC) nang matambad ang mistulang pagpabor at pagpapalusot ng Light Rail Transit Authority – Bids and Awards Committee (LRT-BAC) sa alok ng isang Koreanong joint venture sa kontrata ng bagong maintenance service sa LRT – Line 2 na napakalinaw na “mismatch” o sadyang “non-responsive.”
Ang linya ng tren na ito ay tumatakbo mula Santolan Station hanggang Recto.
Ayon sa NCFC, malaki ang pagkakaiba at di-pagkakatugma ng technical specifications na isinumite ng grupong BUSAN-EDC sa aktuwal na pangangailangan ng LRT Line 2.
“Napakadelikado ng ginawang ito ng LRTA-BAC. Sadya nilang hindi pinansin ang mistulang cut-and-paste na ginawa sa technical specs ng LRT 2 galing sa MRT 3. Magkaibang mga linya ng tren ito. Iba ang pangangailangan sa maintenance, signalling system, riles, at iba pa. Hindi pwedeng ilipat lamang nang basta-basta ang specs ng isa sa isa. Problema at sakuna ang aasahan mo kapag ganito ang ginawa,”ayon kay San Antonio.
Dagdag ni San Antonio, sa kabila ng pagkakatuklas ng Technical Working Group ng mga enhinyeno mismo ng LRTA nito lang Mayo na “non-responsive” ang mga technical specifications na isinumite ng BUSAN-EDC, hindi pa rin binigyang pansin ng LRTA-BAC na pinamumunuan ng isang Atty. Jose Jobel Belarmino.
“Bukod sa ilang paglabag sa bidding at procurement rules na ginawa ng BAC, oras na malaman nila na hindi tugma ang specs para sa LRT 2 at kinopya lang sa specs ng MRT 3, idiniskuwalipika at idineklarang “ineligible” na dapat agad ang BUSAN-EDC. Ang nangyari, pinalusot pa ito nila Belarmino at sinabi pang makabubuti sa interes ng gobyerno at ng taong bayan ang alok ng Koreanong kompanya,” ani San Antonio.
Dadag ng tagapagsalita ng NCFC, “Ganito lang iyan. Kung Type O ang dugo mo, magpapasalin ka ba ng Type A o Type B dahil iyon lang ang meron? Kung gasolina ang sasakyan mo, magpapakarga ka ba ng diesel o LPG dahil iyon ang mas mura?”
Nagsampa ng reklamong “graft” o katiwalian ang NCFC sa tanggapan ng Ombudsman noong nakaraang Lunes, Hulyo 13, laban sa sampung miyembro ng LRTA-BAC, at inakusahan ng pagkokontsabahan sa pagpabor at pagpapalusot sa BUSAN-EDC.
“Sa rami ng sunod-sunod na aberyang sinasapit ngayon ng MRT 3 at ng LRT Line 1 na tumatakbo mula Muñoz hanggang Baclaran, sa laki ng pinsalang hatid n ito sa mananakay, hindi ba nakokonsensya ang LRTA-BAC sa mga sakunang malamang ay mangyari sa LRT Line 2 dahil sa maling ginawa nila sa service?”
HNT