Palusot ni Ridon
hataw tabloid
July 17, 2015
Opinion
SINISISI ni Kabataan Party-list Rep. Terry Ridon ang House Committee on Rules na dahilan kung bakit hindi umuusad ang kanyang inihaing House Resolution 1565 na mag-iimbestiga sa mamahaling paintings ng pamilyang Marcos na bahagi ng ill-gotten wealth.
Sa liham na ipinadala ni Ridon sa Hataw, sinabi niyang iniipit ng committe on rules ang nasabing resolusyon at hanggang ngayon ay hindi pa rin naitatakda kung kailan ito didinggin.
Sa ganang amin, mababaw ang ganitong paliwanag ni Ridon. Hindi talaga uusad ang isang resolusyon kung wala namang inisyatiba ang isang kongresista lalo na kung ito ay kabilang sa oposisyon para dinggin ang kanyang panukala na nasa committee on rules.
Maraming pamamaraan para mapilitan o ma-pressure ang committee on rules para agad maisalang ang isang panukalang batas o resolution. Kulitin ang nasabing komite at tuloy-tuloy na mag-lobby sa mga kongresista na nasa mayorya, at pakiusapan si Majority Floor Leader Neptali Gonzales.
Kung hindi uubra ang pangungulit sa liderato ng Kamara, bakit hindi magpatawag ng press conference si Ridon at ibunyag sa media ang ginagawang pang-iipit ng committee on rules sa kanyang resolusyon.
Halos isang taon na ang resolusyon ni Ridon pero bakit hindi man lang siya gumagawa ng paraan para umusad ito. Naniniwala kaming hindi nabayaran si Ridon ng pamilya Marcos.
Ang tanong, e, sino ang nabayaran?