MUKHANG effective sa audience iyong segment na That’s My Bae sa Eat Bulaga. Hindi maikakailang malakas ang following ng segment na iyon. Kaya nga inilalagay nila sa simula ang segment pero walang announcement ng nanalo hanggang hindi sila natatapos. Kasi hinihintay iyon ng mga gustong makaalam ng resulta.
Nakisakay sila roon sa “dubmash”. Inaamin naman nila na ang kanilang unang qualifying status ay pogi talaga ang contestant. Naglagay lang sila ng isang Facebook page. Marami ang nagkaroon ng interest at kumilos na rin ang maraming talent scouts na naghahanap ng talents mula sa mga may Facebook accounts. Marami naman talagang may hitsura sa social networking sites.
Ang sinasabing mas malakas na following sa Facebook, Twitter, at Instagram, ay ang dalawa nilang winners na sina Kenneth Earl Medrano ng Cebu at Daniel Aquino ng Quezon City. Makikita mo naman, daang libo na ang kanilang followers bago pa man sila sumali sa contest. Tiyak na iyong mga follower nila ay nanood nang sumali sila sa contest. Tiyak na nanonood pa ang mga iyon dahil araw-araw pa rin silang nakikita sa segment. Tataas nga namang lalo ang kanilang ratings.
Iyan ang masasabi mong magandang idea. Simple pero may siguradong batak. Ewan kung ano naman ang magagawa ng kanilang kalabang Showtime riyan sa gimmick na iyan. Maaaring maghanap naman sila ng mga magagandang babae naman sa social media.
HATAWAN – Ed de Leon