MILF mahirap pagkatiwalaan – Alunan
hataw tabloid
July 16, 2015
News
HINDI komporme si dating Department of Interior and Local Government Secretary Rafael M. Alunan III sa sapilitang pagsasabatas ng kontrobersiyal na Bangsamoro Basic Law (BBL) para lamang mapagbigyan ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) na labis nang ginagamit ang salitang kapayapaan.
Para kay Alunan, maraming paraan para matamo ang kapayapaan pero dapat din isaalang-alang ang kapakanan ng Inang Laya na posibleng magkawatak-watak kung maisasabatas ang BBL na nirepaso kamakailan sa Kongreso .
“Lahat tayo gustong makamit ang kapayapaan at dapat talagang kumilos tayo para makamit iyon. Pero hindi ako sang-ayon sa BBL. Tinututulan ko ito dahil unang-una, na-mismanaged na agad ang proseso nang sinimulan ito,” paliwanag ni Alunan nang kapanayamin ng Bombo Zamboanga.
Idinagdag ni Alunan na maraming itinatago ang nasabing panukala kaya hindi maiwasang magkaroon ng pagdududa ang sambayanang Pilipino kahit amyendahan pa sa muling pagbubukas ng sesyon ng dalawang kapulungan.
“Hindi open, hindi transparent. At saka maraming mga provisions diyan sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro at saka iyong BBL na very unconstitutional and will lead to dismemberment of the country,” diin ni Alunan.
Idinagdag niya na nakababahala rin ang kawalan ng katapatan ng MILF na ginagamit ang salitang kapayapaan pero mababasa sa kanilang mga ikinikilos ang tunay nitong adhikain – ang makapagtatag ng sariling Islamic state sa loob mismo ng Pilipinas.
“Iyong mga kausap natin, mahirap pagkatiwalaan at palagi nilang ipinakikita na sadyang hindi sila pupuwedeng pagkatiwalaan kasi malapit pa rin sa puso nila ang makapagtayo ng independent Islamic state. Iyon ang sinabi ni Hashim Salamat time and again noong nabubuhay pa siya. At ito ang layunin ng MILF, ang magkaroon sila ng independent Islamic state.
Masama rin ang loob ni Alunan dahil kung tapat na nagmamahal ang MILF sa ating bansa, bakit hindi masabi ng mga miyembro nito na sila ay Pilipino at mas ipinagmamalaki pa ang kanilang pasaporteng Malaysian.
“Hindi nila ikinokonsiderang sila ay mga Pilipino. Tinatawag nila ang sarili nila na Moro ngunit hindi sila Pilipino. Kaya sa ganitong sitwasyon, napakahirap pagkatiwalaan ang MILF,” dagdag ni Alunan.