HINDI rin namin maintindihan kung bakit naman inilabas pa sa social media iyon daw ginawang post ng child star na si Andrea Brillantes na nagbabanta ng suicide. Sobra na nga ang nangyari eh. Ipinagwagwagan na nila sa social media ang sinasabing video raw niyong bata, ngayon naglalabas pa sila ng mga ganoong usapan.
Isa lang ang motibong nakikita namin diyan eh. Gusto nilang palabasin na totoo na ang nakae-eskandalong video ng bata kaya nang kumalat ay nag-iisip siya ng paraan para matakasan ang kahihiyang iyon. Sila rin ang nagbibigay ng lead na “nanakaw” umano ang cell phone niyon na posibleng siyang pinagkunan ng video. Mayroon pa silang screen cap ng video na binilugan pa ang isang picture sa background na obviously daw ay si Andrea.
Ano nga ba ang motibo nila sa mga ginagawa nilang iyan? Sinusubukan ba nilang sirain ang career ng bata? Ano ba ang naging atraso ni Andrea o ng kanyang mga magulang para siraan siya ng ganyan katindi?
Actually kaya nga taliwas sa naging stand ng marami naming kasamahan noong araw, naging pabor kami sa cyber crime law. Kasi maraming abuse ang nangyayari sa internet. Marami ring bloggers na kung ano-ano ang inilalabas ng walang pananagutan sa ilalim ng batas.
In the first place maaari silang lumikha ng blogs na gamit ang pangalan ng kung sino para hindi sila maidemanda kung sakali.
Iyan ang “media” na walang “responsibilidad”. Halimbawa kami sa diyaryo ang maglabas ng ganyan, maaari kaming kasuhan agad. Dahil nakalagay ang aming pangalan, kung saan kami matatagpuan, at kung sino ang kasama namin sa publication. Eh iyang nasa social media, saan mo hahanapin ang mga iyan? Kaya malalakas ang loob niyan eh. Kilala mo man kung sino sila, dahil hindi nila inilalagay ang kanilang pangalan sa kanilang blog, hindi mo sila makakasuhan.
HATAWAN – Ed de Leon