Ang plastic bag ni Delarmente sa QC
hataw tabloid
July 13, 2015
Opinion
ANG ipinatutupad na ordinansa sa Quezon City ay dagdag pahirap sa mga mamimili dahil sa pagbabayad ng halagang P2 sa bawat plastic bag na paglalagyan ng kanilang napamili sa groceries, supermarkets, department stores at shopping malls.
Kung layunin ng ordinansa na mabawasan o mawala ang paggamit ng plastic bag sa lungsod dapat ay lubusang ipagbawal na lang ang paggamit nito sa mga pamilihan at hindi na sapilitang pinagbabayad ang mga consumers o mamimili.
Marami ang nagsasabing pinagkakape-rahan lang ang ordinansang ito at hindi naman talaga layuning mawala o mabawasan ang plastic bag na umano’y nakasisira ng kalikasan. Patunay rito ang mga nagkalat na plastic bag sa mga lansangan ng Quezon City matapos ang halos apat na araw na walang tigil na pag-ulan kamakailan sa Metro Manila.
Ang main author ng ordinansang ito ay si dating Councilor Beth Delarmente na pinalusot naman ni QC Mayor Herbert Bautista. Sa ordinansang ito, isinasaad na ang malilikom na salapi ay mapupunta sa tinatawag na “green fund” para isulong ang mga proyektong pangkalikasan.
Napakalaking halaga ng perang nakukuha sa plastic bag na binabayaran ng consumers ng QC. Kung totoo mang napupunta ang nasabing milyon-milyong pondo sa iba’t ibang environmental projects ng pamahalaang lungsod, malinaw naman na dagdag pahirap ito sa mga mamimili.
Dapat kumilos dito ang COA at magsagawa ng imbestigasyon kung saan talaga napupunta ang “green fund.”