Mag-asawang manager todas sa lason (Kumain sa fastfood?)
hataw tabloid
July 12, 2015
News
KAPWA binawian ng buhay ang mag-asawang kapwa manager, ang babae sa banko at sa pharmaceutical company ang lalaki, makaraan malason nitong Huwebes ng gabi sa Las Piñas City.
Idineklarang dead on arrival sa Metro South Hospital sa Molino Bacoor, Cavite ang biktimang si Juliet Escano, 51, isang bank manager, habang ang mister niyang si Jose Maria Escano, 50, sales manager ng isang pharmaceutical company, ay nalagutan ng hininga dakong 3 a.m. habang ginagamot sa Las Piñas District Hospital.
Ang mga biktima ay nakatira sa Block 6, Lot 23, Phase 12, Aguado St., Brgy. Bahayang Pag-Asa, Imus Cavite.
Ayon sa ulat na isinumite ni Chief Inspector Rey Veloria, ng Las Piñas City Police, naganap ang insidente dakong 9 p.m. nitong Hulyo 9 sa open parking ng Evia Mall sa Daang Hari, Brgy. Almanza 2 ng naturang lungsod.
Sa pahayag sa pulisya ni Morgan Gerobise, naka-duty na guwardya, napansin niya si Juliet ay nakahandusay sa harapang upuan ng kanilang itim na sasakyan (Toyota Innova TLQ-346), habang ang mister niyang si Jose Maria ay nakahandusay sa semento, sa bandang likuran ng kanilang sasakyan.
Agad siyang humingi ng tulong sa mga kasamahan at pinuntahan ang mag-asawang Escano ng duty nurse ng naturang mall para suriin ang kalagayan ng mga biktima.
Pagkaraan ay nagdesisyon silang isugod sa pagamutan ang mag-asawa.
Gayonman, hindi na umabot nang buhay si Juliet habang si si Jose Maria ay namatay habang nilalapatan ng lunas.
Sa inisyal na pagsusuri ng medico legal ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Southern Police District Office (SPD), lumalabas na ang ikinamatay ng mag-asawang Escano ay “shock, secondary indigestion of toxic substance.”
Inaalam pa ng Las Piñas City Police kung ano ang kinain ng mag-asawang Escano na naging dahilan nang kanilang pagkalason.
1,000 estudyante na nalason sa candies
BUTUAN CITY – Makaraan maitala ang daan-daang kabataang nabiktima ng food poisoning sa ilang bayan ng Surigao del Sur, may naitala rin mga naging biktima sa lalawigan ng Agusan del Sur na nakabili rin ng Wendy’s Durian at Mangosteen candies.
Kinompirma ni PO2 Dennis Bon ng Bayugan City Police Station, umaabot sa 139 mag-aaral ang under observation ngayon, habang walo ang naka-confine sa Bayugan Community Hospital na nagmula sa tatlong paaralan na kinabibilangan ng Comprehensive High School, West Central Elementary School at Agusan del Sur College (ADSCO).
Base sa kanilang imbestigasyon, dalawang menor de edad at isang adult ang nagbenta ng nasabing mga kendi kamakalawa ng umaga ngunit dakong hapon nang tumawag ng police assistance ang mga guro.
Patuloy na mino-monitor ng pulisya ang kinaroroonan ng mga suspek pati na ang iba pang mga lugar na posibleng may nabiktima pa ng food poisoning.
Samantala, patuloy ngayon ang non-stop monitoring ng mga tauhan ng Surigao del Sur Police Provincial Office sa buong lalawigan para malaman kung may iba pang mga biktima ng food poisoning.
Gayon din upang mahuli ang apat pa sa 12 susek na nasa likod ng pagbebenta ng Wendy’s Durian at Mangosteen candies.
Habang iniulat ni Surigao del Sur Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) officer Abel de Guzman, umabot na sa 1,080 ang naitalang kaso ng food poisoning mula sa mga bayan ng Tago, Cagwait, Marihatag Lianga, San Agustin, Tubod at Bayabas, pati na sa provincial capital Tandag City.
Sa nasabing bilang, 438 biktima ang na-assess at na-evaluate ng medical team ng Adela Serra Memorial Medical Center, habang 483 kaso ang na-assess at na-evaluate rin sa Social Hall ng Tandag City.
May naitala rin 139 kaso sa Marihatag District Hospital, mahigit 200 mula sa bayan ng Cagwait, 38 mula sa Marihatag, at 21 kaso sa Lianga District Hospital.
Mayroon pang 271 biktima na nalapatan ng lunas ngunit hindi na-confine.
Inihayag ni Department of Education (DepEd) Surigao del Norte assistant schools division Supt. Tess Real, may mga nabiktima ring mag-aaral mula sa Brgy. Timamana sa bayan ng Tubod na dinala sa Surigao Provincial Hospital sa Brgy. Bad-as, bayan ng Placer nang sumakit ang tiyan at nagsusuka.
DoH makikialam na
TINIYAK ng Department of Health (DoH) na makikialam na rin sila sa isyu ng candy poisoning sa maraming estudyante sa Surigao del Sur at Agusan del Sur.
Sinabi ni DoH spokesman Dr. Lyndon Lee Suy, ayaw muna nilang magbigay ng maraming komentaryo lalo na sa sinasabing nag-manufacture ng candies upang hindi mapangunahan ang imbestigasyon.
Mas makabubuti aniyang hintayin na lamang matapos ang pagsusuri lalo na sa samples ng durian candies at mangosteen candies na nakalason sa mahigit 1,000 mag-aaral.