256 estudyante nalason sa candies at siopao
hataw tabloid
July 11, 2015
News
UMABOT sa 256 estudyante ang nalason sa candy at siopao sa lalawigan ng Surigao del Sur at North Cotabato.
Sa Surigao del Sur, iniulat na mahigit 200 estudyante ang nalason sa candy sa limang bayan at lungsod ng Tandag sa lalawigan ng Surigao del Sur.
Ayon kay Surigao del Sur provincial director, Senior Supt. Narciso Verdadero, ang mga biktima ay mula sa bayan ng Cagwait, Lianga, San Agustin, Tago , Marihatag at Tandag City.
Sinasabing nabili ng mga estudyante ang candies na durian at mangosteen sa vendors na sakay ng L-300 van mula pa sa lungsod ng Davao at tinungo ang mga paaralan para magbenta.
Pinangangambahang tataas pa ang bilang ng mga biktima dahil sa bayan pa lamang ng Cagwait ay nasa 200 na ang nabiktima ng food poisoning.
Kaugnay nito, naaresto na ang walo sa 12 vendors habang hawak na rin ng pulisya ang sasakyan ng mga suspek.
Samantala, umaabot sa 56 mag-aaral ang nalason sa kinaing siopao at candy sa magkahiwalay na lugar sa North Cotabato. Nasa 15 Grade 5 pupils ng Dualing Central Elementary School sa Brgy. Dualing, Aleosan, North Cotabato ang sinasabing nalason sa siopao.
Ayon kay Dualing Central Elementary School Principal Joel Calambro, karamihan sa mga biktima ay kumain ng siopao na itinitinda sa harap ng kanilang paaralan.
Aniya, nang bumalik ang mga biktima sa loob ng kanilang silid aralan ay bigla na lamang sumakit ang kanilang tiyan, sumuka at nag-LBM.
Agad dinala sa Aleosan District Hospital ang mga biktimang kumain ng siopao at patuloy na nagpapagaling.
Sinabi ni Jane Miranda, malinis ang kanyang itinitindang siopao at maingat sila sa pagluluto.
Habang umaabot sa 44 estudyante sa Kidapawan City Pilot Elementary School ang isinugod sa pagamutan nang malason sa kinain nilang durian candy.
Nagsasagawa na ng laboratory test ang Cotabato Integrated Provincial Health Office (IPHO) sa kinain na siopao at durian candy ng mga biktima.