SINASABI nga nila, ang showbusiness daw ang industriya na may pinakamaraming bakla at tomboy, kaya nga siguro sa showbusiness mo rin maririnig ang pinakamaraming reaksiyon sa naging desisyon ng Korte Suprema sa US na nagpapahintulot sa pagpapakasal ng mga bakla saan mang estado na kanilang nasasakupan. Iyan ay sa US lang naman. May 17 iba pang mga bansa na kumikilala rin sa kasal ng mga bakla, pero kung iisipin, kakaunti pa iyan.
Dito sa atin, nagtungo sa US ang mga director na sina Perci Intalan at Jun Lana at nagpakasal doon. Nagtungo rin sa US si Aiza Seguerra at ang girlfriend niyang si Liza Dino at nagpakasal din doon. Balak din daw gawin iyan ng tomboy na singer na si Charice Pempengco.
Mayroon pang ibang mga bakla sa showbusiness na nagpakasal na rin dito sa bansa, sa ilalim naman ng isang iglesia na ang namumuno ay isang baklang pari rin nila na nagkakasal at tinatawag iyong “Holy Union”. Pero ang alin man sa mga kasal na iyan ay hindi kinikilala ng mga batas sa Pilipinas. Sa umiiral na Family Code, maliwanag na ang maaari lamang magpakasal ay isang lalaki at isang babae. Bagamat sinasabi nga ng ilang legal experts, kabilang na si Atty. Mel Sta. Maria ng TV5 na walang ganoong pagbabawal sa Konstitusyon. Ibig sabihin maaaring baguhin ang batas para payagan na ring magpakasal ang mga bakla sa Pilipinas.
Ang mga paring Katoliko, sa pamamagitan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ay inulit ang kanilang pagtutol sa same sex marriage. Pinagbawalan din ng Iglesia ni Cristo ang mga kapatid na “makiuso” sa ibang mga baklang nagdiriwang dahil sa desisyon ng Korte Suprema sa US dahil iyon ay “hindi pinahihintulutan ng Biblia”.
May mga artistang hindi man bakla o tomboy ay nakiisa sa pagdiriwang kabilang na sina Angel Locsin at Lea Salonga. Natural, all out support din ang mga artista at mga director na bakla. Pero mayroon din namang hindi ayon sa mga bagay na iyon. Siguro nga masasabing ang pinaka-valid post ay iyong inilabas ni Oyo Boy Sotto na nagsabing hindi dapat magalit ang mga bakla at tomboy sa mga ayaw sa same sex marriage dahil kanya-kanya naman iyan ng paniniwala.
HATAWAN – Ed de Leon