BACOLOD CITY – Nagtitiis ngayon ang mga residente sa masangsang na amoy ng mga patay na tahong na nasa dalampasigan sa tatlong barangay sa bayan ng Valladolid, Negros Occidental.
Napag-alaman, tone-toneladang tahong ang napadpad sa dalampasigan ng Brgy. Bagumbayan, Tabao Proper at Central Tabao na tinangay nang malalaking alon noong bagyong Egay.
Sinasabing halos umabot sa tuhod ang kapal ng mga patay na tahong sa dalampasigan at nilalangaw na.
Dahil sa mabahong amoy, ilang mga bata na ang nagkakasakit at ilan ang nagka-allergy sa balat dahil sa mga langaw na dumadapo sa kanila mula sa mga patay na tahong.
Ayon kay Punong Barangay Luis Acosta, kadalasan na may natatangay na tahong sa dalampasigan kung malalaki ang alon ngunit hindi kasing dami kagaya ngayon.
Aniya, noon ay malalaki ang tahong na natatangay kaya kinukuha ito ng mga residente upang ibenta, hindi kagaya ngayon na maliliit pa ang mga ito at sobra ang dami.
Ayon kay Acosta, sinabi ni Mayor Romel Yogori na magpapadala ng backhoe upang maibaon sa dalampasigan ang sangkaterbang mga tahong.
May ibinigay nang bayad na bigas para sa mga residenteng tutulong sa paghuhukay.