PINASASAMPAHAN na ng kaso ng Department of Justice (DoJ) ang recruiters ni Mary Jane Veloso na nakapiit sa Indonesia dahil sa kasong pagpupuslit ng ipinagbabawal na gamot.
Ayon sa DoJ, nakakita nang sapat na batayan para ituloy ang reklamo kina Maria Kristina Sergio at Julius Lacanilao.
Matatandaan, inakusahan ang dalawa na siyang nasa likod ng pagtungo ni Veloso sa Indonesia para dalhin ang maletang may lamang cocaine.
Kabilang sa mga ipinasasampang reklamo ay illegal recruitment, estafa at qualified human trafficking.
Ngunit sa panig nina Sergio at Lacanilao, wala silang kinalaman sa bitbit na droga ng Filipina worker.
Nanindigan si Kristina na tinulungan lang nila si Veloso na makabiyahe kahit hindi nila ito lubos na kakilala.
“Makikisabay lang po siya sa akin papunta dun dahil hindi nga niya po alam ang pagpunta sa Malaysia. Pero po talaga pursigido siya at kusang loob siyang sumama. ‘Di ko po siya talaga pinilit na sumama sa akin. Ang tulong lang pong naibigay ko sa kanya ay ‘yun lang pong pinansyal dahil may consent din ‘yung live in partner ko,” wika ni Sergio.