AMINADO ang Maritime Industry Authority (Marina) na hindi overloaded ang M/B Kim Nirvana na lumubog sa karagatan ng Ormoc City at ikinamatay ng 62 katao.
Ito ang lumabas sa pagdinig ng House committee on transportation, ilang araw makaraan ang malagim na trahedya.
Kabilang sa mga ipinatawag si Marina Administrator Maximo Mejia at ilang tauhan ng Philippine Coast Guard.
Sinabi ni Mejia, kahit sobra ang pasaherong sakay ng M/B Kim Nirvana at may sakay din na bigas at semento, hindi iyon ang pangunahing rason ng paglubog ng passenger vessel.
May approved capacity aniya na 178 pasahero at lisensiyado rin para magsakay ng cargo ang Nirvana kaya hindi ito pwedeng idiin agad sa isyu ng overloading.
Giit ni Mejia, hindi lamang sa numero ng karga nadedetermina kung overloaded ang isang sasakyang pandagat kundi maging sa bigat, volume at space nito.
Sa initial findings, misloading ang nakikitang rason nang paglubog dahil ang cargo nito ay dapat na inilagay sa bahagi ng hull ng motor banca, bagay na hindi nasunod.