INAASAHANG magpapatuloy hanggang sa Lunes ang nararanasang pag-ulan sa bansa.
Inihayag ni PAGASA weather forecaster Meno Mendoza, ito’y dulot ng pagpapaigting ng Bagyong Falcon at tropical storm Linfa (dating Bagyong Egay) sa Habagat.
Dugtong ni Mendoza, may posibilidad din abutan ni Falcon si Linfa na nasa bahagi ngayon ng Taiwan.
Aniya, “Kung sakali po at hindi talaga siya makaalis po d’yan at maabutan ni Falcon, posible pong magkaroon sila ng interaction sa isa’t isa.”
Batay sa pinakahuling abiso ng weather bureau dakong 4 a.m. nitong Huwebes, huling namataan si Falcon sa layong 885 kilometro silangan, hilangang-silangan ng Itbayat, Batanes.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na aabot sa 130 kilometer per hour (kph) malapit sa sentro at pagbugsong aabot sa 160 kph. Kumikilos ito pa-kanluran, hilagang-kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Walang nakataas na storm warning signal.
Gayonman, pinag-iingat sa banta ng flashfloods at pagguho ng lupa ang mga residente ng Metro Manila at mga rehiyon ng Ilocos, Cordillera, Central Luzon, Calabarzon at Mimaropa.
Habang makararanas nang pabugso-bugsong pag-ulan ang nalalabing bahagi ng Luzon, Western at Central Visayas.
2 PATAY SA BAGSIK NG HABAGAT
INIULAT ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na dalawa na ang patay dahil sa pinaigting na epekto ng Habagat.
Batay sa unang situation report ng ahensiya kaugnay sa Bagyong Egay, inihayag nitong kabilang sa mga namatay ang 19-anyos na si Kevin Jacinto.
Sinasabing nadulas at nahulog si Jacinto mula sa isang riprap. Natagpuan ang kanyang bangkay sa likod ng tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) sa San Juan River sa Aurora Boulevard.
Ikalawang namatay ang isang Korean national na nag-dive sa karagatang sakop ng Lapu-Lapu City, Cebu nitong Hulyo 5.
Natagpuan ang labi ng banyaga sa Hinisulan, San Francisco sa Camotes Island, Cebu nitong Miyerkoles.
Nasagip ang dalawa pang kasamahan ng Koreano sa Lapu-Lapu, at dinala sa University of Cebu Medical Hospital.
Hindi pa malinaw kung bakit hindi naitala ang dalawang casualty sa ilalim ng pananalasa ni Bagyong Egay, gayong naganap ito habang nasa loob pa ng bansa ang bagyo.
17 BAHAY NASIRA SA STORM SURGE SA ILOCOS SUR
NAWASAK ng daluyong o storm surge ang 17 bahay sa Narvacan, Ilocos Sur kahapon.
Umabot sa 10 bahay ang nasira sa Brgy. San Pedro at pito sa karatig na Brgy. Bulanos, makaraan hatawin ng malalakas at mala-higanteng alon.
Kuwento ng residenteng si Violeta Cabrera, mas mataas pa ang mga alon kaysa mga bahay kaya lubha silang natakot.
Nasira maging ang sandbag at bagion basket na inilagay ng mga residente kaya nagtulong-tulong na lamang sila na maisaayos para masalag ang daluyong.
Sa ngayon, ikinatatakot ng mga residente na mawasak ang iba pang mga bahay sa mga susunod na pag-ulan dahil lumambot ang lupa at posibleng tangayin ito ng tubig.
Nagbigay na ang lokal na gobyerno ng P5,000 sa bawat nasiraan ng bahay.
Balak din ng mga awtoridad na mailipat sa relocation site ang naapektohang mga residente.