TALAGANG nasabit kami sa mahabang pakikipagkuwentuhan kay Yoyong Martirez pagkatapos ng presscon nila niyong No Harm No Foul, na napanood naman siguro ninyo noong Linggo ng gabi sa TV5. Iyong iba kasi nagkagulo sa ibang mga artista, pero kami nga mas pinili namin si Mang Yoyong dahil sa kanilang lahat, siya ang mas beteranong artista at siya rin ang beteranong basketball player.
Isipin ninyo, nagsimulang maglaro si Martirez para sa San Miguel panahon pa ng MICAA. Una rin siyang gumawa ng pelikula noong 1975, at comedian na siya noon pa man. Kaya kung iisipin ninyo, ang tindi na ng karanasan ni Yoyong bilang isang artista at basketball player kung ikukompara sa lahat ng mga kasama niya sa No Harm No Foul.
Natuwa kami sa kuwento ni Yoyong eh, sinasabi kasi niya noon lang siya nakaharap sa ganoong press conference. Marami siyang ginawang pelikula noong araw, ”pero ang ginagawa lang namin nina Bossing, nagpupunta kami sa probinsiya. Tapos doon sa loob ng sine sa bandang gitna, ititigil iyong pelikula. Kakaway kami sa mga nanonood. Tuwang-tuwa na ang fans. Ganoon lang ang ginagawa namin kung may pelikula. Iyong mga interview naman, may dumadalaw na mga reporter sa shooting, iyon nakakausap na namin”.
Pero sinasabi niyang maging ang comedy ngayon, ibang klase na.
“Noon, iyong comedy namin talagang natural lang eh. Kaya ang mga comedian noong araw nag-iisip, tapos nagbibigay ng suggestion sa director kung ano ang magagawa niya sa kanilang kukunang eksena. Kasi nga natural lang na comedian ang mga artista noon eh. May idea. Ngayon iyong idea mo, sasabihin mo sa story conference pa lang. Gagawa ka na ng suggestions. Kasi ngayon lahat scripted na, na mas mabuti naman. Mas professional ang dating niyan. Ang maganda nga lang dito sa ‘No Harm No Foul’, maski na iyong mga baguhang basketball players na kasama namin, comedian din,” sabi niya.
Pero sa pinakabatang basketball player na kasama nila, si Kiefer Ravena, sabi nga ni Yoyong ”pinangangaralan ko nga iyan. Sabi ko ngayon ok lang varsity siya. Pero pagkatapos niyan kailangan matuto siyang pumili ng team na sasamahan niya. Kasi kahit anong galing mo sa basketball, kung masasama ka naman sa mahinang team, malalaos ka rin”.
HATAWAN – Ed de Leon