Konstruksiyon ng city hall walang iregularidad (Mayor Rey San Pedro nanindigan)
hataw tabloid
July 9, 2015
News
MARIING itinanggi ni Mayor Reynaldo San Pedro ng City of San Jose del Monte sa lalawigan ng Bulacan na mayroong iregularidad sa konstruksiyon ng bagong government center sa lungsod.
Ayon kay San Pedro, ang nasabing protekto ay dumaan sa regular na proseso ng bidding at masusing sinuri saka inaprubahan ng City Council.
“Dumaan sa tamang proseso ang proyekto and we opened it for bidding,” ani San Pedro.
Sa proseso ng bidding, sinabi ni San Pedro, isang kompanya lang ang nagsumite para sa architectural design ng proyekto kaya naigawad ito sa Arce Bailon-Arce Consultancy, isa sa pinakamagaling na firm sa bansa.
Kabilang sa disenyo ng Arce ang gusali ng Office of the Ombudsman.
Itinanggi ni San Pedro ang alegasyon na ang bagong government center ay overpriced at sinabing ang estruktura ay ikinokonsiderang world class dahil sumunod ito sa green building requirements.
Ipinaliwanag ni San Pedro na ang architectural design na umabot sa P4 milyon sa panahon ng dating alkalde na si Mayor Eduardo Roquero noong 2002 ay nadagdagan at umabot lamang sa P14.5 milyon matapos ang mahigit 10 taon.
Aniya, ang ibinayad kay Arce ay hindi lumabis sa guidelines na itinatakda ng tariff law.
Idinagdag ni San Pedro, ang construction cost ng bagong government center ay umabot lamang ng P29,242 per square meter, higit na mas mababa kaysa mga kuwestiyonableng proyekto sa Visayas at Metro Manila.
Nagpahayag si San Pedro matapos siyang sampahan ng reklamong plunder at graft ni konsehal Romeo Agapito sa Ombudsman.
Ayon sa alkalde, mismong ang City Council ay naninindigang walang iregularidad sa nasabing proyekto dahil sumunod ito sa bidding process na itinatakda ng Republic Act 9184 (Government Procurement Reform Act).
Nang isagawa umano ng City Council ang imbestigasyon walang naiharap na ano mang dokumento si Agapito para patunayan ang kanyang mga alegasyon.
Bukod kay San Pedro, inireklamo rin ni Agapito sina acting City Engineer Arnel Vitug, City Administrator Eduard Ignacio, City Budget Officer Ana Sucgang, City Legal Officer and Bids and Awards Committee head Arnel Antero, BAC Secretary Head Debbie Ann Leuterio, City Treasurer Analiza Mendiola, Engineer Leonardo Nicolas bilang consultant ng alkalde.
Ganoon din ang private individuals na sina Mariano Arce at Ma. Nina Bailon-Arce ng Arce Bailon-Arce Architectural firm, Joselito Rami Encabo, Carina Encabo, Delia Teves, Cara Maria Encabo, Maria Camir Encabo, Emmalyn Encabo at Melgabal Encabo ng RR Encabo Contractors, Inc.
Nakatakdang magsampa si San Pedro ng perjury at libel complaints laban kay Agapito dahil sa kanyang mga malisyosong alegasyon.
GMG