Aresto vs Wang Bo ilegal
hataw tabloid
July 9, 2015
News
ILEGAL ang pag-aresto kay Wang Bo at labag sa karapatang pantao ayon sa saligang batas kaya’t dapat lamang siyang palayain, ito ang pahayag ni Atty. Dennis Manalo, sa muling pagharap sa imbestigasyong isinasagawa ng Committee on Good Governance ng mababang kapulungan.
Walang legal na basehan ang pag-aresto ng Bureau of Immigration.
“Ang mga dokumentong pinagbasehan upang idetine at i-deport ang aking kliyente ay pawang mga dokumentong hindi authenticated at hindi nagdaan sa tamang proseso.”
Ito ang pagtatanggol ni Atty. Manalo sa kanilang kliyenteng Chinese national na si Wang Bo.
Matatandaan na isinangkot si Wang Bo sa anomalyang panunuhol umano sa mga Kongresista upang aprubahan ang Bangsa Moro Basic Law (BBL).
Ang liham ng Chinese police attache at cancellation of passport na iprenesinta sa Bureau of Immigration ay hindi sapat na dahilan upang arestohin at ikulong si Wang Bo.
Kailangan aniya, na may “Red Ribbon” ang bawat dokumentong iprenesinta ng Bureau of Immigration patunay na ang nasabing mga dokumento ay tunay.
Samantala, muling pinagbantaan ang mamamahayag na si Christine Herrera, ng contempt ni Congressman Silvestre Bello III sa isinasagawang imbestigasyon ng Kongreso kaugnay sa istoryang panunuhol sa mga miyembro ng Kongreso ni Wang Bo upang ipasa ang BBL sa halagang umaabot ng $40 milyon.
Ayon kay Bello, hindi maaaring sandalan ni Herrera ang probisyon ng Sotto Law na prinoproteksiyonan ang ‘source’ ng balita ngunit ang pinagbigyan ng suhol ay hindi protektado.
Dagdag ni Bello kailangang protektahan at pangalagaan din ang pangalan ng Kongreso, kaya’t nararapat na pangalanan ni Herrera kung sino o sino-sino ang mga tumanggap ng suhol ni Wang Bo sa kanyang istorya.
Nanindigan pa rin si Herrera na hindi niya maaaring ihayag ang kanyang mga source nang tanungin ni Cong. Arnel Ty ng LPGMA Partylist.
Sa bandang huli, iniatras ni Cong. Silvestre Bello III ang kanyang mosyon sa komite, matapos sabihin ni Herrera na ang ilan niyang source ay ‘yun din tumanggap ng suhol.
Bantang contempt vs journalist iniurong ng solon (Sa expose’ sa kaso ni Wang Bo)
INIURONG ni Rep. Elpidio Barzaga ang bantang contempt sa reporter na si Christine Herrera na nagbunyag ng kaso ng Chinese fugitive na si Wang Bo.
Matatandaan, ibinulgar ni Herrera sa isang article ang sinasabing panunuhol sa mga kongresista para maipasa ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) gamit ang P440 milyon mula umano kay Wang Bo.
“Cong. Barzaga withdrew his motion to cite me in contempt tapos sinegundahan naman ni Cong. Silvestre Bello and then before he could make his move, winithdraw na rin niya,” banggit ni Herrera.
Binatikos niya ang hindi pagpapalabas ng closed-circuit television (CCTV) footage na magpapatunay nang sinasabing suhulan dahil kailangan pa itong hingin mula sa isang Director Flores.
Samantala, nanindigan si Herrera na katiwa-tiwala ang sources niya hinggil sa suhulan.