MAY nagsasabing mukhang mali raw ang treatment ng media sa naging kaso ni Jiro Manio na nakitang pagala-gala sa airport ng apat na araw. May nagsasabing sobra naman daw ang nangyaring coverage lalo na ng telebisyon. Lumabas talaga ang kuwento sa lahat ng estasyon ng telebisyon. Naglabasan din iyon sa mga diyaryo at lalong lumaki ang usapan sa social media.
Pero pag-aralan natin kung ano ang naging epekto niyon. Palagay namin nakatulong pa nga iyon kay Jiro dahil mas naintindihan ng mga tao ang kanyang kalagayan. Iyon ang kailangan talaga ni Jiro eh, iyong maunawaan siya ng mga tao. Kasi noon, ang sinasabi lang pumasok siya sa rehab, nakabuntis siya, pero walang sinasabi tungkol sa kanya talaga eh.
Ngayon mas lumabas ang maraming bagay. Una, ngayon lang lumabas na hindi pala nakilala man lamang ni Jiro ang kanyang tunay na ama, na isa palang Japanese national. Supposedly, nakilala niya ang kanyang lola na nangakong dadalhin siya sa Japan, pero hindi rin naman nangyari iyon. Tapos namatay na pala ang kanyang ina. Lahat ng iyan ay maaaring pagmulan talaga ng depression, at iyon ang nararanasan ni Jiro sa kasalukuyan. Inamin din naman ng kanyang ama-amahan na nagkaroon sila ng kaunting hindi pagkakasundo kaya umalis si Jiro sa kanilang tahanan. Iyong mga ganoong bagay ang lalong nakapagbibigay sa kanya ng feeling na nag-iisa na siya.
May isang bagay pang kailangan nating i-consider, hindi natapos ni Jiro ang kanyang rehab, dahil inamin din nga ng kanyang ama-amahan na kinapos sila sa pera. Inamin din nila na hindi nga nakakainom ng kanyang medication si Jiro, dahil kapos nga sa pera. Sa mga taong nasa isang kalagayan na kagaya niya, mahalagang ituloy-tuloy ang medication niya. Kung ganyan nga, malabo ang solusyon sa problema. Pero nakatutuwa naman na may mga taong kagaya nga ng comedy queen na si Aiai delas Alas, at iba pang mga artistang nakasama at naging kaibigan din ni Jiro na nakahandang tumulong sa kanya.
Sana nga gumaling na siya ng lubusan.
HATAWAN – Ed de Leon