Bilateral talks sa China muling ibinasura ng PH
hataw tabloid
July 8, 2015
News
MULING ibinasura ng Malacañang ang panukala ng China na daanin sa bilateral talks ang territorial dispute sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Communications Sec. Sonny Coloma, malinaw ang posisyon ng Filipinas: kailangang kilalanin ang prinsipyo ng ASEAN Centrality dahil sa Declaration of Conduct of Parties in the South China Sea na nilagdaan noon pang 2002.
Ayon kay Coloma, hindi lamang usapin ng Filipinas kontra China ang pinag-uusapan kundi kasangkot ang lahat ng ibang claimant countries sa ASEAN.
Kaya puspusan aniya ang pagtutulak ng Filipinas para sa legally binding code of conduct sa West Philippine Sea.
Kasabay nito, iginiit ni Coloma, sa kabila ng hidwaan, nananatiling malabo ang bilateral relations ng Filipinas at China.
Chinese embassy muling binulabog ng kilos protesta
MULING binulabog ng kilos protesta ng mga militanteng organisasyon ang embahada ng China sa lungsod ng Makati, ilang oras bago isagawa ang pagdinig sa Arbitral Tribunal sa The Hague, Netherlands, kaugnay sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.
Dahil dito, bumagal ang daloy ng mga sasakyan sa mga lansangang malapit sa embahada.
Agad nagtalaga ang Makati police ng mga tauhan para bantayan ang lugar upang maiwasan ang karahasan o ano mang hindi kanais-nais na pangyayari.
Pagdinig sa petisyon sa West PH sea sa arbitration court umarangkada na
NAGSIMULA na ang pagdinig ng permanent court of arbitration sa The Hague, Netherlands kaugnay ng petisyong inihain ng Filipinas upang maresolba ang maritime entitlement issues sa West Philippine Sea.
Sa abiso ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, haharap sa Arbitral Tribunal sa Permanent Court of Arbitration sa Peace Palace ang ilang kinatawan ng bansa.
Una aniyang haharap si Solicitor General Florin Hilbay at sunod na ipaliliwanag ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario ang dahilan ng paghahain ng Filipinas ng kaso kaugnay sa pinag-aagawang teritiryo.
Ilalatag din aniya ng ilang abogado, sa pangunguna ni Paul Reichler mula Washington-based law firm na Foley Hoag, ang mga argumento sa usapin ng hurisdiskyon.
Tatayong mga testigo ang iba pang bahagi ng delegasyon kabilang sina Speaker Feliciano Belmonte, Executive Secretary Paquito N. Ochoa, Jr., Supreme Court Associate Justices Antonio Carpio at Francis Jardeleza, Defense Secretary Voltaire Gazmin, Justice Secretary Leila de Lima, Chief Presidential Legal Counsel Benjamin Caguioa, Sandiganbayan Justice Sarah Fernandez, Undersecretary Emmanuel Bautista, at Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra.
Kasabay ng pagtulak sa The Netherlands ng mga kinatawan ng bansa, una nang sinabi ng Palasyo na kompiyansa ang pamahalaan na nasa katwiran ang petisyon.
Tatagal ang pagdinig sa The Hague hanggang sa Hulyo 13.