BIDA sa pelikulang Filemon Mamon ang newcomer na si Jerome Ignacio. Isa siyang 5th year student sa Ateneo de Manila na kumukuha ng kursong AB Humanities at BFA Theatre Arts.
Mula high school ay umaarte na siya sa teatro at biggest break niya sa showbiz ang pelikulang ito na isa sa entry sa World Premieres Film Festival Philippines/Filipino New Cinema section.
“Ang role ko po ay si Filemon Mamon, isang high school student na iniidolo si Andres Bonifacio at mahilig sa teatro. Kaya noong nag-anunsiyo na magkakaroon ng dula tungkol kay Bonifacio, desidido ‘yung character ko na makuha ‘yung role na Bonifacio.
“Nakuha naman niya noong una kasi magaling naman talaga sa teatro si Filemon. Ang naging hadlang lang ay ang kanyang timbang, hindi niya magawa nang maayos ang mga stunts na dapat gawin ni Bonifacio kaya tinanggal siya sa role na Bonifacio at ibinigay ito sa kanyang best friend na si Emil (Joshua Colet).
“Ang Filemon Mamon po ay isang advocacy film na para sa buong pamilya. Good vibes ang movie na ito kasi musical siya at comedy! Maaalala mo ‘yung mga naranasan mo noong high school ‘pag pinanood mo ito. Maganda rin ang mensahe nito hinggil sa pagtanggap ng sarili, anuman ang timbang mo,” saad ni Jerome.
Kasama sa casts ng Filemon Mamon sina Nanette Inventor, Smokey Manaloto, Giselle Sanchez, Rayver Cruz, Miles Ocampo bilang best friend at love interest ni Filemon, at iba pa.
Ano ang masasabi mo kay Miles?
“Si Miles si Gigi, ang love interest ni Filemon! Kinikilig ako ‘pag kasama ko siya, lalo na kapag ka-eksena ko siya. Kasi OMG! Ito ‘yung batang napapanood ko noon sa Goin’ Bulilit sa TV, tapos ngayon ka-love-team ko siya sa film na ito. Sobrang surreal!
“Pero napaka-down-to-earth niyang si Miles. Nakakatuwa nga na sa UP siya nag-aaral, magkapitbahay kami ng schools, though hindi kami nagkaka-chance mag-cross paths.”
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio