People Power laban sa DMCI sa Binondo
hataw tabloid
July 3, 2015
Opinion
ISANG petisyon ang isasagawa ng mga residente sa Binondo upang pigilin ang patuloy na konstruksiyon ng DMCI sa The Prince View Suites na matatagpuan sa kahabaan ng kalye Quintin Paredes.
Sa pangunguna ni Barangay Chairman Nelson Ty, isang signature campaign ang kanilang ilulunsad para mapilitan ang DMCI na itigil at ayusin ang pagpapatayo ng The Prince View Suites na kasalukuyang nagdudulot ng malaking problema sa mga residente ng Binondo.
Bukod dito, sinabi ni Ty na wala ring barangay clearance ang construction firm para sa pagpapatayo ng gusali.
Bukod sa problemang trapiko, ilang aksidente na rin ang naitatala rito dahil sa konstruksiyong ginagawa ng DMCI bukod pa sa patuloy na pagbabara ng mga kanal at imburnal dulot ng maputik at may sementong tubig na ibinubuga mula sa ginagawang paghuhukay ng DMCI.
Nanawagan din ang mga residente ng Binondo kay Steve Li ng Anchor Land Inc., may-ari ng The Prince View Suites, na kastiguhin ang DMCI at sumunod sa tamang mga patakaran upang hindi na makapaminsala sa publiko partikular na sa mga taga-Binondo.
Bago nagsimula ang konstruksiyon ng DMCI sa Binondo, maayos at walang bara ang mga imburnal at kanal dito.
Ang DMCI ang developer ng Torre de Manila na itinuturing na pambansang photobomber ng monumento ni Dr. Jose Rizal. Ang DMCI rin ang responsable sa tumutulong tubig sa kisame ng NAIA Terminal 1, at ang DMCI rin ang idineklarang persona-non-grata ng lokal na pamahalaan ng Romblon dahil sa pagharang sa diesel power plant ng probinsiya dahil natalo sa bidding.