Junjun tiklop kay Mar
hataw tabloid
July 2, 2015
News
PAGKATAPOS ulanin ng batikos sa kaliwa’t kanan mula sa mga opisyal ng pamahalaan tulad nina DILG Secretary Mar Roxas at Ombudsman Conchita Carpio-Morales, pati na rin sa mga komentaryo at social media, tumiklop si Makati Mayor Junjun Binay.
Matatandaang sinabihan ni Roxas ang nakababatang Binay na “hindi inyo ang Makati” at sumunod sa atas ng batas ukol sa suspensiyong ipinalabas ng Ombudsman.
Kahapon ng umaga ay inianunsiyo ni Mayor Binay na lilisanin na niya ang City Hall pagkatapos ng ilang araw ring pagbabarikada.
Inianunsyo ni Mayor Binay ang pagbaba pagkatapos malaman na hindi mag-iisyu ng temporary restraining order (TRO) ang Court of Appeals laban sa utos ng Office of the Ombudsman na suspendihin siya at 13 pang opisyal na sangkot sa sinasabing overpricing ng Makati Science High School Building.
Ito na ang pangalawang suspensiyon ng alkalde at ng kanyang mga tauhan sa kasalukuyang taon.
Ikinatuwa ni Roxas ang pagbaba ni Mayor Binay dahil nanaig ang batas sa sitwasyon.
“Nagpapasalamat ako kay Mayor Junjun Binay sa pagtugon sa aming panawagan na sundin ang batas,” ani Roxas. “Masaya akong nanaig at nangibabaw ang batas sa araw na ito.”
Sa mga nakaraang araw ay hindi makapasok ang mga ordinaryong tao na may lalakaring papeles o serbisyo sa City Hall dahil pinalibutan ng supporters ng kampo ni Binay.
Pati hearing ng mga kaso sa municipal, regional trial courts at piskalya ay naantala dahil sa barikada.
Napilitang mag-deploy ng mobile courts sa loob ng bus ang Korte Suprema para sa pagdinig ng mga urgent na kaso.
Siniguro ng Kalihim na patuloy ang pagtulong ng DILG at PNP para magbalik sa normal ang operasyon ng Makati City Hall para hindi na maantala ang mga transakyon dito.
“Makaaasa po kayo na magbabalik na sa normal ang operasyon ng Makati City Hall at magpatuloy ang pagbibigay ng serbisyo,” ani Roxas.
Junjun lumisan sa city hall (Bigong makakuha ng TRO)
NILISAN na ni Makati Mayor Junjun Binay ang Makati City Hall, pansamantala.
Sinabi ni Binay, hindi na raw niya nais may masaktan pang mga supporter at mga awtoridad.
Ito’y makaraan mag-kagirian ang mga supporter ng alkalde na nagkakampo sa loob at ang mga pulis na nakapaligid sa Makati city hall.
Ayon kay Mayor Binay, naaabala na raw ang mga mamamayan dahil sa political tension na nangyayari sa Makati.
Ngunit giit ng alkalde, hindi pa rito nagtatapos ang laban.
Kamakalawa, nanumpa na si Vice Mayor Kid Pena bilang acting mayor ng lungsod ng Makati.
Si Binay ay pinatawan ng Ombudsman ng ikalawang suspension order dahil sa kontrobersiyang kinasangkutan ng mga Binay sa pagpapatayo ng Makati Science High School building.
Samantala, bigong makakuha ng temporary restraining order (TRO) at preliminary injunction sa Court of Appeals (CA) si suspended Makati Mayor Junjun Binay.
Ito’y sa ikalawang suspensiyon na ipinataw ng Ombudsman dahil sa pagkakasangkot ng alkalde sa anomalya sa pagpapatayo ng Makati Science High School building.
Sa desisyon ng Court of Appeals, didinggin muna nito ang magkabilang panig.
Binigyan ang Ombudsman at Department of Interior and Local Government (DILG) ng 10 araw para magsumite ng kanilang komento sa hiling na TRO ni Binay.
May limang araw si Mayor Binay para sagutin ang magiging komento ng DILG at Ombudsman. Makaraan ito, saka pa lamang diringgin ng Court of Appeals ang hi-ling na TRO ng alkalde sa kanyang suspension.
Pagbaba ikinatuwa ng palasyo
IKINATUWA ng Palasyo ang pagbaba sa puwesto ni Makati City Mayor Jejomar Erwin “Jun-jun” Binay kahapon matapos mabigong makakuha ng temporary restraining order (TRO) sa Court of Appeals laban sa preventive suspension order sa kanya ng Ombudsman.
Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, welcome sa Malacañang ang desisyon ni Binay bilang pagtalima sa panawagan ni Interior Secretary Mar Roxas na manaig ang rule of law.
“Indeed, today is a good day for the Rule of Law and there is certainly no place for mob rule in modern civil society,” ani Lacierda.
Habang sinabi ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr., mahalaga na ang mga opisyal ng pamahalaan ay sumusunod sa rule of law upang manaig ang katuwiran at kaayusan.
Umaasa aniya ang Palasyo na huhupa na ang tensiyon at magbabalik na sa normal na operasyon ang Makati City Hall.
Matatandaan, pinatawan ng ikalawang preventive suspension order si Binay bunsod ng maanomalyang pagtatayo ng Makati Science High School building.
Noong nakaraang Marso, nagtagumpay si Binay na makakuha ng TRO sa Court of Appeals na pumigil sa implementasyon ng unang preventive suspension order sa kanya ng Ombudsman kaugnay sa konstruksyon ng overpriced Makati City Parking building.
Rose Novenario