Ex-husband sa bank teller slay, idiniin ng lover
hataw tabloid
July 2, 2015
News
CAMP OLIVAS, Pampanga – Lalong tumibay ang ebidensiya ng mga awtoridad laban sa suspek na si Fidel Sheldon Arcenas na responsable sa pagdukot at brutal na pagpatay sa bank teller na ex-wife niyang si Tania Camille Dee, nang inguso siya ng kanyang gilfriend sa pulisya ng Angeles City.
Kamakalawa, makaraang mahukay ang bangkay ng biktima sa mismong bakuran ng paupahang bahay ng pamilya Dychioco, nagbigay ng sinumpaang salaysay si Angela Dychioco sa opisina ni Chief Inspector Ferdinand Aguilar ng CIDG Pampanga.
Sinabi ni Dychioco, inutusan siya ni Arcenas na tulungan siyang ilibing ang biktima. Labis aniya siyang natakot sa nakitang nakabulagtang duguang katawan ng biktima na nakahandusay sa loob ng kuwartong pinagkulungan sa ginang.
Sinuportahan din niya ang testimonya ng mga kaanak ni Dee na si Arcenas ang huling kausap ng biktima at napagkasunduang magkita sa isang restaurant sa Balibago noong Hunyo 20.
Nakita rin sa CCTV footage na unang dumating ang bank teller at kasunod si Arcenas na pumasok sa loob ng food chain.
Teorya ng pulisya, planado ng suspek ang krimen batay na rin sa paghiram ng susi ng magnobyo sa bahay ng mga Dychioco na tatlong buwan nang walang nangungupahan, upang doon ikulong at patayin ang bank teller.
Nagduda ang ina ni Angela na posibleng may masamang nangyari sa kanilang paupahan nang mabatid na ang nawawalang bank teller ay dating misis ni Arcenas na boyfriend ng kanyang anak.
Bunsod nito, humingi ng tulong ang ginang sa mga awtoridad upang siyasatin ang nasabing bahay at natagpuan doon ang nakalibing na biktimang may tama ng bala sa ulo.
Samantala, binuo ni Central Luzon PNP OIC, Chief Supt. Ronald Santos ang Special Investigation Task Group upang tugisin at imbestigahan ang suspek na si Arcenas, itinuturing na principal suspect sa pagpatay sa ex-wife niyang bank teller.
Nabatid din na naglaan na ng P200,000 pabuya para agad na madakip ang suspek.
Raul Suscano