TALBOG – Roldan Castro .
ANAK-ANAKAN ni Ai Ai Delas Alas si Jiro Manio dahil sa pagsasama nila sa ilang series ng pelikulang Ang Tanging Ina Mo kaya maagap ang kanyang mensahe sa IG na gusto niyang tulungan si Jiro, kaya ipinahahanap niya ang pamilya nito.
Maging ang dating President ng National Press Club at Publisher ng Hataw na si Sir Jerry Yap ay nag-text din ng “Lets save Jiro Manio. Lets get him as an indigent. If you have a way to contact the family or ABS, baka puwede ipaabot our offer. Kawawa naman.”
Balitang ibinalik na ng Manila International Airport (MIAA) si Jiro at kinumbinsing bumalik sa pamilya pagkatapos mag-stay sa Ninoy Aquino International Aiport Terminal 3 ng apat na araw.
Maraming gustong tumulong kay Jiro para mabigyan siya ng chance ulit.
Balitang dumaan sa depresyon ang actor sa kanyang family problem, kawalan ng offer, at proyekto pagkatapos ng I Dare You 2 sa ABS-CBN 2.
Hindi gaya ni JM De Guzman, hindi sya nabiyayaan na magtuloy-tuloy na mag-comeback pagkatapos umalis sa rehab.
Kailangan talaga ng matinding suporta at tutok kay Jiro para maibalik sa normal ang buhay niya. Sayang ang isang magaling na actor na kagaya niya na palaboy-laboy na lang sa lansangan.
Sa huling panayam kay Jiro ng mga TV crew na viral ngayon sa social media halatang umiiwas, naiilang, pabalang ang sagot, at tuliro ito.
“Hindi , okey lang.Salamat na lang .Kaya kong mabuhay mag-isa,” tugon niya sa mga nag-aalok ng tulong na halatang wala sa normal at may pinagdaraanan.
Hiningan ng reaction si Jiro sa larawan niyang kumalat sa Facebook na palaboy siya sa NAIA Terminal 3.
“Sino nagkakalat? Sige nga, ipaliwanag niyo… sino naninira sa akin,” deklara niya.
May nagsabi na concerned lang ang mga ito?
“Concerned?,” sambit niya.
“Ano ba ang naging problema, bakit?,” balik –tanong niya.
Maraming nag-aalala sa kanya.
“Bakit nag-aalala, kaano-ano ko ba sila?,” medyo mataas niyang tono.
Noong sabihing may mga taong nag-aalala sa kanya na nakatrabaho niya sa industriya.
“Hindi, hindi ko sila nakatrabaho. Iba ang trabaho ko, hindi ako artista,” bulalas niya.
Bakit nasabi niya na hindi na siya artista?
“Ano na lang yun, eh… ano ko lang ‘yun eh, parang nickname ko lang naman kasi ‘yun, eh.”
Bulalas pa niya sa mga kaharap na TV reporters, “Ano ba ang gusto niyong malaman sa showbiz, tungkol sa akin?”
Anong nangyari bakit nag-stay siya sa airport?
“Maaano ako rito. Nag-iistambay ako rito. At saka aalis ako, eh.”
Saan siya pupunta? “Ay, hindi puwedeng malaman.”
Ayon sa aming source, gustong pumunta ni Jiro sa Japan para makita ang tatay niya pero na-deny umano ang visa niya.
Nang tanungin din sa isyung hindi sila magkasundo ng poster father niya?
“Hindi, wala akong tatay,” sambit niya.
“Walang ganoon. Baka drama lang ‘yun para bumalik ako roon. Gulo lang ‘yun. Away lang ‘yun,” sey pa niya.
Paulit-ulit pa niyang sinabi, “Tama na…tama na. nakakahiya rito. May mga security pa, eh.”
Kung bibigyan siya ng project gusto pa ba niya?
“Hindi na..hindi na. Hindi naman ako artista. Pinasyalan ko lang ang showbiz para magkaroon ako ng intelligence,” sey pa niya.