INIREKOMENDA ng Department of Labor and Employment (DoLE) na sampahan ng kasong kriminal ang mga may-ari at opisyal ng Kentex Manufacturing Corporation at CJC Manpower Agency. Ito ay kaugnay sunog sa warehouse ng Kentex sa lungsod ng Valenzuela na 72 manggagawa ang namatay.
Sa dalawang liham ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz kay Justice Secretary Leila de Lima, inirekomenda niya na masampahan ang Kentex at CJC ng paglabag sa Wage Rationalization Act o RA 6727 dahil sa pagbabayad ng sahod na mas mababa sa minimum wage.
Sa ilalim ng Section 12 ng RA 6727, ang hindi pagbabayad ng tamang sahod ay may katapat na parusang P25,000 multa at kulong na hindi bababa sa isang taon.
Dapat din anilang maipagharap ang Kentex at CJC ng kasong illegal recruitment in large scale na paglabag sa Labor Code at may katapat na parusang multa na isang milyong piso at habambuhay na pagkabilanggo.
Kalakip ng liham ang mga dokumento na maaaring gamiting ebidensya at pagbatayan ng probable cause laban sa Kentex at CJC.
Leonard Basilio