Binay bumanat, P-Noy nanumbat
hataw tabloid
June 27, 2015
Opinion
UMIINIT ang iringan nina Pres. Noynoy Aquino at Vice Pres. Jejomar Binay at akalain ninyong nagpapalitan na ng maaanghang na salita ang dalawang pinakamatataas na opisyal ng bansa.
Dalawang araw matapos magbitiw sa Gabinete ni P-Noy ay tumirada na si Binay laban sa administrasyong Aquino at tinawag itong manhid at palpak.
Ang puna nga ng iba ay bakit biglang nawala sa isipan ni Binay ang paulit-ulit niyang sinasabi noon na malapit ang pamilya niya sa mga Aquino at malaki ang utang na loob niya sa yumaong Pres. Cory Aquino, na batid naman ng lahat na nagtalaga kay Binay bilang alkalde ng Makati noong 1987 . Kung wala si Tita Cory ay hindi nga naman magiging alkalde si Binay.
Noong Huwebes ay si P-Noy naman ang naglabas ng pagkadismaya sa mga pinagsasabi ni Binay. “Bagamat hindi natin siya kaalyado nung tumakbo sa eleksyon, bagamat nung 2013 ay nandun siya sa kabilang grupo, hindi natin siya pinigilan na magkaroon ng pagkakataon na ma- recognize ‘yong kanyang trabaho,” paliwanag ni P-Noy.
Ang tinutukoy ng Pangulo ay ang pagtakbo ni Binay noong halalang 2010 sa ilalim ng ibang partido at ang pagbuo nito ng ibang koalisyon noong 2013 elections.
Binanggit ng Pangulo na itinalaga niya ito bilang chair ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC). Nang hilingin ni Binay na siya ang mangasiwa ng OFW affairs ay pinagbigyan din ni P-Noy. “Paano ko ba siya trinato ng mali at tapos ito ang isinukli. Kaya thank you na rin sa kanya,” dagdag ng Pangulo.
Pinuna rin ng Pangulo ang sinasabi ni Binay para mapaganda ang takbo ng bansa. Sa palagay ni P-Noy, bilang miyembro ng Gabinete ay may obligasyon si Binay na ibahagi ang nalalaman pero sa halip ay kanyang isinekreto at hindi siya nagsalita sa loob ng limang taon.
“Kung may maitutulong ka sa ikabubuti ng taumbayan na pinangakuan nating paglilingkuran, bakit mo naman isinesekreto,” puna ng Pangulo sa ginawa ni Binay.
Sa totoo lang, lumabas na ang katotohanan na kaya nagbitiw si Binay sa Gabinete ay para maupakan ang mga sinasabi niyang kapalpakan ng administrasyon.
Pero may punto si P-Noy sa sinasabi niyang may nakikita palang palpak si Binay at may solusyon siya rito pero hindi niya inilantad. Responsibilidad niyang ibahagi ang kanyang nalalaman dahil isa siya sa mga galamay ng Pangulo sa Gabinete. Nanahimik ba siya para makapagpapogi sa mga mamamayan sa hinaharap na gamit ang kanyang nalalaman?
Ganito ang takbo ng ating gobyerno kaya hindi na tayo umase-asenso at napag-iwanan ng ating mga kapitbansa. Kapag may nakitang mali ay isinesekreto para magamit kapag nakasilip ng pagkakataon. Ang disiplina, pagkakaisa at tunay na pagmamahal at malasakit sa bansa ay nawawala at napapalitan ng pagiging gahaman at ganid sa kapangyarihan.
Manmanan!
***
PUNA: “Marami tatakbo presidente sa senador para matalo si Binay. Kapalaran VP Binay kagaya Sen. Manny Villar. Kaya payo VP magharap sa senado para malinis pangalan niya.”
***
TEXT 0946-8012233 para sa inyong mga sumbong, puna at reklamo.