2 pulis, 7 pa arestado 5 biktima nabawi (KFR nabuwag ng QCPD)
hataw tabloid
June 27, 2015
News
ARESTADO ang dalawang pulis at pitong iba pang mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD), sa pagdukot sa lima katao na pinagbintangang sangkot sa ilegal na droga nitong Hunyo 21, iniulat ng pulisya kahapon.
Sa pulong balitaan, iniharap nina Quezon City Mayor Herbert Bautista at Chief Supt. Joel D. Pagdilao, QCPD District Director, ang mga nadakip na sina PO1 Adrian Coso Momo, 29, at PO1 Puut Bagtong Piya, 37-anyos.
Ang dalawa ay kapwa nakatalaga sa Regional Police Holding and Accounting Unit (RPHAU) sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Habang ang pitong iba pa ay sina Joseph Jerome Rocha, 37; Reynaldo Bermina, 30; Rodolfo Basister, 41; Franelyn Mangadap, 38; Jonathan Junsay, 20; Henry Tesalona, 31; at Jun Santos, 41-anyos.
Ang mga biktima ay kinilalang sina Calvin Rey Noche, 22; Catherine Borleo; Leo Gaerlan; at Rainer Ocampo, pawang mga residente sa Fairview, Quezon City.
Ang isa pang dinukot at nailigtas sa harapan ng QCPD Batasan Hills Police Station 6, ay si Larry Jade Siervo, 18-anyos.
Ayon kay Chief Insp. Rodel Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), nadakip ang mga suspek nitong Hunyo 23, sa isinagawang rescue operation sa lungsod.
Nauna rito, ayon sa mga biktima, sakay sila ng Pajero (XGF 707) at Honda Jazz (BCW 388), nag pinatabi ng mga suspek at pinagbibintangang may dalang droga.
Makaraan, minaneho ng dalawa sa suspek ang mga sasakyan at dinala ang mga biktima sa isang safe house sa cock farm sa Blk. 2, Lot 6, Ismael Subd., Ampid, San Mateo, Rizal.
Ngunit pinauwi rin ng mga suspek sina Borleo, Gaerlan at Ocampo habang si Noche ay nanatiling bihag at pilit na pinapirma ng isang contract to sell para sa Pajero at pinalagyan ng presyong P300,000.
Ayon kay Marcelo, pinatutubos ng mga suspek si Noche sa kanyang mga magulang ng P500,000 ngunit natawaran sa halagang P50,000.
Dakong 2:30 p.m. ng Hunyo 23, pinakawalan ng mga suspek si Noche sa main gate ng Samaka Village, Fairview makaraan makuha ng mga salarin ang P50,000 na ipinadala sa pamamagitan ng Smart Padala.
Sa follow-up operation, naaresto sina Mangadap at Junsay sa isang safehouse sa Don Enrique Heights, Quezon City, pinagdalhan kina Noche bago inilipat sa Ampid. Habang sina Tesalona at Santos ay nadakip sa Ampid, San Mateo.
Dakong 10 p.m., nadakip sina Momo, Piya, Bermina at Basister sa loob ng Starex Van (ZNE 183) na nakahimpil sa loob ng PS 6 compound, Batasan Hills, Quezon City.
Sa Starex ay tumambad sa mga operatiba ang isa pang kidnap victim na si Siervo na nailigtas din.
Narekober sa loob ng Starex ang assorted long at short firearms, mga bala, at dalawang bullet proof vest.
Habang narekober ang Pajero dakong 1:30 p.m. ng Hunyo 25 sa kanto ng Kagawad St. at Senatorial Road, Batasan Hills, Quezon City, at natagpuan ang Honda Jazz sa USAFE St., Barangay Holy Spirit, sa nasabi ring lungsod.
Almar Danguilan